Ni LEONEL M. ABASOLA, at ulat nina Hannah L. Torregoza at Chito A. Chavez

Nangangamba ang ilang senador na magbabalik ang mga insidente ng umano’y extra-judicial killings (EJKs) at pang-aabuso ng mga pulis matapos na ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay ibabalik nito sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad sa kampanya kontra droga.

Giit ni Senator Grace Poe, malinaw na PDEA ang dapat na lead agency sa drug war, sa suporta ng PNP dahil na rin sa kakulangan ng tauhan ng ahensiya.

“We must not forget that the PNP has been involved in too many controversial operations, thus casting doubt on the organization’s ability to uphold the rule of law and respect basic rights,” sabi ni Poe. “With PDEA remaining on top of the operations and with PNP as main support, the government will be able to help rectify the manner or conduct of such operations. This is also consistent with the president’s desire to pursue a more vigorous anti-drug campaign.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, dapat na linisin muna ang hanay ng PNP sa mga tiwali para matupad ito, at kailangang mapalakas ang Internal Affairs Service (IAS) na nag-iimbestiga sa mga pang-aabuso ng mga pulis.

BANGUNGOT NG TOKHANG

Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na sa kabila ng kawalan tiwala ng sambayanan dahil sa pang-aabuso ng PNP ay ibinalik pa ito ng Presidente sa drug war, kaya tiyak aniya na magbabalik din ang pangamba sa sambayanan.

“Returning the anti-drug campaign to an unreformed PNP is a slide back into the nightmare of (Oplan) Tokhang. It is a return to the horrors of extrajudicial killings,” ani Hontiveros. “It opens up the dangerous possibility of another Kian Delos Santos, of hundreds if not thousands more dead, and the further loss of trust of the public in our police force.”

Gayunman, sinabi ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na ang Pangulo pa rin ang magpapasya kung nais nitong ibalik ang PNP sa drug war.

“This is his administration and its declared priority is the all-out war against drugs (among others). Let him pursue that in accordance with his own strategy,” ani Pimentel. “I just want to remind all concerned and all involved to conduct the all-out war against drugs in accordance with law.”

Binalaan naman ni Senador JV Ejercito ang PNP na huwag gawing lisensiya ang suporta ni Pangulong Duterte sa pulisya para mang-abuso at lumabag sa karapatang pantao.

Mula Hunyo hanggang Nobyembre ay umabot sa 117,268 katao ang naaresto ng PDEA, kung saan umabot din P18.9 bilyon halaga ng droga ang nakumpiska.

HRW PUMALAG

Kasabay nito, nagpahayag din ng pangamba ang Human Rights Watch (HRW)-Asia na muli na namang makapagtatala ng mga patayan sa pagpapatupad ng PNP sa drug war.

“Brace for more bloodshed. That’s the key takeaway from a speech President Duterte made—November 23—in which he warned that ‘Whether I like it or not, I have to return that (anti-drugs operation) power to the police’,” sabi ni Phelim Kine, deputy director ng HRW-Asia.

“The Duterte government’s apparent desire to resume the murderous drug war underscores the need for a United Nations-led international investigation into the killings. Until that happens, the number of victims denied justice and accountability will likely only continue to grow,” giit ni Kine.

TOKHANG PART 3

Kapag nagkataon, ito na ang ikatlong beses na ilulunsad ng PNP ang Oplan Tokhang.

Hunyo 2016 nang ilunsad ng PNP ang kampanya kontra droga na Oplan Tokhang, subalit sa kasagsagan ng isyu sa pagdukot at pagpatay ng ilang pulis sa isang negosyanteng South Korean ay binawi ito ng Pangulo sa pulisya noong Enero 2017, at itinalaga ang militar.

Gayunman, ibinalik ng Pangulo ang PNP sa drug war makalipas ang isang buwan, hanggang sa muling alisin ang pulisya sa pagpapatupad sa kampanya kontra droga nitong Oktubre 12, kaugnay ng sunud-sunod na pagpatay ng mga pulis sa ilang menor de edad na umano’y nanlaban sa anti-drug operations.

Ipinaubaya ni Pangulong Duterte sa PDEA ang pagsasagawa ng mga anti-drug operations simula noon, hanggang sa banggitin niya kamakailan na balak niyang ibalik sa PNP ang pagpapatupad sa drug war.