Ni: Clemen Bautista
ANG mga guro ang itinuturing na magulang ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Nagmumulat sa mga kabataan ng magandang asal. Humuhubog sa kanilang pagkatao at tagapagsalin ng karunungan, upang sa darating na panahon ay maging kasangkapan sa pagkakaroon ng hanap-buhay. Ang mga guro ang nagsisilbing ilaw ng mga kabataan. Hindi lamang sa pagkakamit ng karunungan at mga kaalaman kundi nagsisilbi ring halimbawa sa pagkakaroon ng mabuting pag-uugali.
Sa Rizal, ang mga guro ay hindi nalilimutang bigyan ng pagpapahalaga at pagkilala tuwing sasapit ang Nobyembre. Sa pamamagitan ito ng GURONASYON (acronym ng GURO at KonNASYON). Sa Guronasyon, ang mga natatanging guro sa Rizal ay binibigyan ng pagkilala at parangal sa paniwalang sa kamay ng mga guro nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan sa Rizal.
Ang Guronasyon ay inilunsad ni dating Rizal Congressman Bibit Duavit noong 1994 bilang pagkilala sa mga natatanging guro sa Rizal. Kabalikat sa paglulunsad ng nasabing proyekto si dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Sa pakikipagtulungan nina Rep. Michael Jack Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal; Rizal Gov. Nini Ynares; at ng Province of Rizal Education Development Advisory Council (PREDAC). Ang Guronasyon ngayon ay isa nang foundation.
Bilang pagkilala sa mga guro sa Rizal nitong Nobyembre 23, binigyan ng parangal ang mga natatanging guro sa elementary, secondary, pamantasan at vocational school. Ginawa ang parangal sa Casimiro Ynares Sr. gymnasium sa Binangonan, Rizal. Ang tema ng Guronasyon 2017 ay “Sustaining Excellence in Education Through Strengthened Synergies”. Ngayong 2017 ay may 36 na guro ang finalist. Ang mga awardee ay ang mga sumusunod: Outstanding Elementary School Teachers: Joann Soria, ng Inuman Elementary School sa Antipolo City; at Reycel R. Jugo, ng Aguho Elementaery School sa Tanay, Rizal.
Outstanding Secondary school teacher naman sina Bernadette Songalia, ng Antipolo National High School; at Van Russel Robles, ng Tanay National High School. Outstanding Elementary School Principal sina Marilyn Rodriguez, ng Penafrancia Elementary School, Antipolo; at Ana Marie Jabat, ng Silangan Elementary School sa San Mateo, Rizal. Sa secondary ay sina Ronaldo Ata, ng San Isidro National High School, Antipolo; at Rebecca Averion, ng Benjamin Esguerra Memorial National High School sa Taytay.
Ang Outstanding Tek-Bok Trainer ay si Liwayway San Felipe, ng Colegio de San Clemente Inc. at Oustanding Tek-Bok Administrator si Maria A. Roque, ng RPTSDC sa Binangonan, Rizal. Ang Outstanding College Faculty ay si Leo Rio, ng University of Rizal System (URS) Morong; at Outstanding College Administrator si Dra. Emma Linga, ng URS Morong.
Ang mga nag-abot ng gantimpala sa mga awardee ay sina Rizal Rep. Michael Jack Duavit, Rizal Gov. Nini Ynares, at Antipolo City Mayor Jaun Ynares. Binubuo ang gantimpala ng P30,000, Guronasyon trophy at certificate.
Ang nagbigay ng bating pagtanggap ay si Binangonan Mayor Cesar Ynares. Sinundan ng video presentation bilang pagbati ng mga mayor sa Rizal sa kaarawan ni dating Rizal Cong. Bibit Duavit. Sinundan ng mensahe at pasasalamat ni Rizal Rep. Michael Jack Duavit, pangulo ng Guronasyon Foundation Inc.
Sa bahagi ng mensahe ni dating Rizal Cong. Bibit Duavit, ipinaliwanag niya ang layunin ng Guronasyon na pagkilala sa mga guro sa Rizal. At sa kanilang pamamahala ni dating Rizal Gov. Ito Ynares, binigyan ng prayoridad ang edukasyon at kalusugan. Naniniwala siya na may simula ang edukasyon ngunit ito’y walang katapusan. Pinasalamatan din ni Cong. Bibit Duavit ang lahat ng sumusuporta sa Guronasyon sa Rizal.