Ni: Beth Camia

Itinalaga ni Pangulong Duterte si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Sheriff Abas bilang bagong chairman ng poll body, habang si dating Solicitor General at Justice Secretary Agnes Devanadera ang bagong pinuno ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Nobyembre 22 nang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment nina Abas at Devanadera.

Si Abas ay magsisilbing Comelec chairman hanggang Pebrero 2022, habang hanggang sa Hulyo 10, 2022 pamumunuan ni Devanadera ang ERC, ayon sa kani-kanilang appointment papers.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Pinalitan ni Abas ang nag-resign na si dating Comelec Chairman Andres Bautista, na muntik nang ma-impeach kaugnay ng alegasyon ng ill-gotten wealth na ibinulgar ng sarili nitong asawa.

Pamangkin ng opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Mohagher Iqbal, dadaan pa sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga kay Abas.

Hinalinhan naman ni Devanadera si dating ERC Chief Jose Vicente Salazar, na sinibak nitong Oktubre dahil sa alegasyon ng kurapsiyon.

Si Devanadera ay nagsilbing Solicitor General sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo mula 2007 hanggang 2009, bago naging kalihim ng Department of Justice (DoJ) simula 2009 hanggang 2010.