NI: Jun Fabon
Aabot sa P500,000 halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy na sumiklab sa isang warehouse, na nagsisilbing imbakan ng thinner at iba pang gamit sa paggawa ng pintura sa Quezon City kahapon, iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakabase sa lungsod.
Sa report ni Quezon City Fire Marshall Sr. Supt. Manuel M. Manuel, sumiklab ang apoy sa unang palapag ng warehouse na matatagpuan sa West Los Angeles Street, California Village, Quezon City, bandang 8:30 ng umaga.
Sa imbestigasyon ni Fire Chief Insp. Rosendo Cabellan, nagmula ang apoy sa nakaparadang tangker na bigla na lamang nagliyab at mabilis na kumalat ang apoy sa nasabing bodega.
Sa maagap na pagresponde ng mga pamatay sunog ay naapula agad ang apoy na umabot sa 3rd alarm.
Ayon sa arson probers ng Quezon City Fire District, walang iniulat na nasaktan at nasawi sa sunog.