NI: Gilbert Espeña
HINIKAYAT ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ang sambayanan na makiisa sa Puso Para Sa Ilog Pasig Run na gaganapin ngayong Linggo.
“Ang Puso Para Sa Ilog Pasig Run ay isang bukas sa publiko at free-admission advocacy event upang makuha ang interes ng publiko para maging bahagi sila ng rehabilitasyon ng Ilog Pasig,” pahayag ni Goitia na Pangulo rin ng PDP-Laban San Juan City Council.
Ani Goitia, nakaiskedyul simulan ang nasabing fun run ganap na alas-5:00 ng umaga sa University of Makati Stadium, J.P. Rizal Ext., West Rembo, Makati City. Katuwang rin sa adboksiyang ito sina President at CEO ng Maynilad Water Services, Inc. Ramoncito Fernandez, Makati Mayor Abigail S. Binay-Campos at LLDA General Manager Jaime C. Medina.
“Ang marubdob na layunin ng PRRC ay maibalik ang dating pagmamahal na ginawa ng ating mga ninuno sa Ilog Pasig. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng adbokasiya, umaasa tayo na mabubuhay din ang dating partisipasyon ng taumbayan sa ilog na itinuturing na buhay ng ating bayang Pilipinas,” paliwanag ni Goitia.
Idinagdag ng PRRC head na hindi lamang magdudulot ng saya ang fun run kung isa pang paraan ng higit na malalim na pakikiisa ng bawat pamilya sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig.
“Hinihiling natin na suportahan tayo ng publiko upang malikha ang mas mataas na kamalayan ng taumbayan tungo sa pagbuhay ng ating Ilog Pasig,” pagtatapos ni Goitia.
Itinatag ang PRRC sa ilalim ng Office of the President noong Enero 1999 sa bisa ng Executive Order No. 54 at inamyendahan ng Executive Order No. 65 upang matiyak na maibalik sa orihinal na kagandahan ang Ilog Pasig magamit na alternatibong sistema ng transportasyon at maiangat ang turismo.