Ni NORA CALDERON
PAGKATAPOS ng ilang guestings, latest sa Super Ma’am ni Marian Rivera, diretso na uli ang paggawa ng teleserye ni Carmina Villaroel sa GMA-7, sa bagong primetime drama series na Kambal Karibal.
Walang problema sa paglipat niya ng network.
“When I left naman no bad blood sa amin (ng ABS-CBN), natuwa pa sila na nakabalik ako sa GMA. Ganoon naman, I don’t burn bridges, kung saan may work doon ako, kaya per project lang ang contract ko, para walang problema kapag nakatapos na ako ng isa,” pahayag ni Carmina.
“Ako rito ang totoong nanay ng kambal na ginagampanan nina Bianca Umali at Pauline Mendoza. Noong una ay parang nangangapa pa ako pero siguro dahil nanay naman ako talaga at may anak na kambal, medyo nanibago lang ako doon sa mga eksenang buntis ako, dahil malaki talaga ang tiyan ko dahil kambal nga sila. Pero later on, naka-adjust na rin ako, then dumating naman ang mga pagsubok sa akin at sa pagsasama ng asawa ko, played by Congressman Alfred Vargas.
“Masaya ako dahil muli kong nakatrabaho si Tita Glo (Gloria Romero) at reunion din namin ni Jean Garcia na nakasama ko noon sa Pahiram ng Isang Ina. Si Miguel (Tanfelix) nakasama ko sa unang Mulawin. Then first time kong makasama si Bro. Bo (Christopher de Leon) at first time ididirek ni Don Michael Perez. Tinatapos na namin ang pilot week sa Batangas dahil magsisimula na kaming mapanood next week.”
Nang tanungin kung walang balak ang kambal nila ni Zoren Legaspi na sina Mavvy at Cassy na pasukin na rin ang showbiz, ang sagot ni Carmina -- kung meron man, TV guestings lang tulad sa Eat Bulaga. Pero kung gusto raw mag-drama ng kambal, kailangan muna nilang mag-workshop.
Hindi nila pipigilan ang kambal, pero sa tamang panahon dahil pareho pa silang nag-aaral.
Itinanong kay Carmina ang tungkol sa pagkikita nila ni BB Gandanghari sa isang mall sa Makati. Kasama raw niya noon si Zoren at ang kambal.
“Yes, nagkita kami sa gym, at sila nga ni Zoren ang mas nagtsikahan. Parang old friends lang. Ako naman, kung saan siya maligaya, whatever makes him happy, sige lang. Wala naman siyang inapakang tao nang gustuhin niyang maging ganoon.”
Tulad ng ibang kaibigan, BB rin daw ang tawag niya sa dating asawa.
Mapapanood na ang Kambal Karibal sa Monday, November 27, pagkatapos ng Super Ma’am.