INIULAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na simula Oktubre hanggang Nobyembre 10 ay nakapagsagawa ito ng 1,341 na operasyon kontra droga, na nagresulta sa 404 na pag-aresto at pagkakakumpiska ng P53.83-milyon halaga ng ilegal na droga.
Ang bilang ng naikasang operasyon ay 80.5 porsiyentong mas mataas sa nakalipas na buwan, ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino. Tumaas din ng 14.4 na porsiyento ang pag-aresto. At ang halaga ng nakumpiskang droga ay lumobo sa 233.3 porsiyento.
Naibalita rin ilang linggo na ang nakalipas ang pagkakadakip sa nakapiit na drug queen at sa anak nitong babae na natuklasang ipinagpapatuloy ang ilegal nilang operasyon sa kabila ng nakakulong na ang una sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City. Kabilang din sa iba pang kaso ang pagkakaaresto sa isang bigating tulak ng shabu sa Taguig City, ang pagdakip sa pitong katao na nasamsaman ng shabu, ecstasy, cocaine, at marijuana sa Mandaluyong at Quezon City, at ang pagdakip sa dalawang Nigerian sa Kawit, Cavite.
Itinalaga ni Pangulong Duterte ang PDEA upang pangunahan ang mga operasyon kontra droga sa bansa makaraang alisin ito sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng serye ng pagpatay ng mga pulis sa mga menor de edad. May nauna pang kaso ng pagdakip sa isang negosyanteng South Korean sa Angeles City sa Pampanga, na dinala sa Camp Crame sa Quezon City, bago pinatay ng mga tiwaling pulis sa loob mismo ng kampo makaraang humiling ang mga ito ng ransom mula sa pamilya ng dayuhan.
“We may be undermanned, underequipped, and underfunded, but we continually strive to achieve more than what is expected,” sabi ni PDEA Director General Aquino.
Sa kaparehong araw na inilabas ng PDEA ang nabanggit na report tungkol sa mga operasyon ng ahensiya kontra droga, nagpahayag ng pag-asam si PNP chief Director General Ronald dela Rosa na magbabalik ang PNP sa tungkulin nitong ipatupad ang nasabing mga operasyon.
Inamin niyang bigo ang PNP na linisin ang hanay nito mula sa mga scalawag o mga tiwali, na sinisisi niya sa maraming insidente ng pagpatay sa mga operasyon kontra droga. Sinabi niyang mayroong mga “narco-cops” na nagpoprotekta sa mga ito, o kaya naman ay mismong sangkot sa bentahan ng droga.
Subalit nililinis ng PNP ang hanay nito, giit niya. Hinimok niya ang pagbabalik ng PNP sa pangangasiwa sa kampanya ng pamahalaan kontra droga. “We are ready,” aniya. “We are always ready.”
Kaagad namang tinutulan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang apelang ito ng PNP chief. Una, ayon sa kanya, malinaw na isinasaad sa batas na ang mga operasyon kontra droga ay trabaho ng PDEA. At nariyan din ang 6,000 hanggang 7,000 pagkamatay sa drug war noong PNP pa ang nagpapatupad nito. Ang pagkamatay maging ng mga menor de edad, gaya ni Kian delos Santos — na umano’y nanlaban sa pagdakip bagamat sa kuha ng CCTV camera ay kaagad naman siyang napunta sa kustodiya ng mga pulis— ang nagbunsod upang italaga ni Pangulong Duterte ang PDEA para pangunahan ang kampanya kontra droga, katuwang bilang mga tagasuporta ang PNP at ang National Bureau of Investigation.
Kung pagbabatayan ang PDEA report, malinaw na nagpapatuloy ang kampanya kontra droga, subalit wala na ang mga kontrobersiya na kumulapol sa kampanya noong PNP pa ang nagpapatupad dito. Marahil tama lamang na bigyan ng sapat na panahon ang PNP sa paglilinis sa mga tiwali sa hanay nito bago aktibong magbalik sa pagpapatupad ng drug war.