Ni: Mary Ann Santiago

Hindi na nakayanan ng isang driver ang pangungulila sa kinakasamang nang-iwan sa kanya kaya nagpasyang wakasan ang sariling buhay nang magbigti sa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Blas Ytang, Jr., 41, ng 1310 Area A, Gate 7, Parola Compound, sa Tondo. Nadiskubre ang kanyang bangkay bandang 4:30 ng hapon.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Jay Dimaandal, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, nagulat na lamang si Edward Isla, 46, kaibigan ng biktima, at residente ng Building 32, Unit 36, sa Tondo, nang makitang nakabigti ang biktima sa loob ng kanyang bahay.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Hindi na humihinga ang biktima kaya hindi na ito isinugod sa ospital at sa halip ay ini-report na lamang sa awtoridad.

Ayon kay Isla, matagal nang may problema sa pamilya ang biktima nang iwanan ito ng kanyang kinakasama, at posibleng hindi nito nakayanan ang pangungulila.

Tumanggi ang pamilya ni Ytang na paimbestigahan ang nangyari sa paniniwalang walang naganap na foul play.