Ni: Mary Ann Santiago

Sinimulan na ng Manila City government ang pagbabantay sa mga palengke, upang maiwasan ang pagbebenta ng mga ilegal na paputok at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga Manilenyo.

Inatasan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Market Administration Office (MAO) na paigtingin ang pagbabantay sa 17 pampublikong palengke sa lungsod, kasabay nang papalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“This early, we should start a close surveillance of our markets and strictly remind the vendors that they could be penalized for selling prohibited firecrackers as mandated by the law,” ani Estrada, na ang tinutukoy ay ang Republic Act 7183, na nagre-regulate ng pagbebenta at distribusyon ng 10 klase ng paputok at 12 klase ng pyrotechnic devices.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga paputok naman na hindi nakalista sa naturang batas tulad ng “Super Lolo” at “Big Triangulo” ay kinukunsiderang iligal.

Tinukoy din ni Estrada ang Executive Order No. 28, na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hunyo 20, na naglilimita sa paggamit ng mga paputok sa mga community fireworks display.

Ayon kay Estrada, hinihintay pa ng lokal na pamahalaan ang Philippine National Police (PNP) na maglabas ng bagong listahan ng mga ipinagbabawal na paputok at pailaw base sa EO 28.

“While we are waiting for the guidance of the PNP, we will continue monitoring our public markets following the provisions of RA 7183,” ani Estrada.

Base sa EO 28, ang PNP ang naatasang maglabas ng mga criteria sa mga ipinagbabawal na paputok at pailaw sa loob ng 30 araw makaraang magkabisa ang naturang executive order.

Ayon kay Estrada, pipilitin nilang mapanatili ang “zero casualty” record ng Maynila tuwing Bagong Taon.

Base sa ulat ng Manila Health Department (MHD), umabot sa 700 katao ang tinamaan ng iba’t ibang paputok noong 2013; 500 noong 2014; at 300 noong 2015. Nitong nakaraang taon ay umabot sa 81 kaso ang naitala sa buong lungsod.