Ni: Aris Ilagan
MAY pinagbago ba?
Ito ang tanong ni Boy Commute sa pagbuhay sa “motorcycle lane” policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA.
Sa pahayag ng MMDA, akala ng ordinaryong mamamayan ay may namatayan.
Sa totoo lang, ito ay nangangahulugang mahigpit na ang pagpapatupad ng motorcycle lane ng naturang ahensiya laban sa mga pasaway na rider na tinatahak ang EDSA.
Ayon sa MMDA, umaabot sa 50 aksidente, na kisasangkutan ng mga motorcycle rider, ang nagaganap sa EDSA kada araw at napapanahon na upang mahigpit na ipatupad ang motorcycle lane.
Ang tanong sa MMDA: Bakit hindi ninyo hinigpitan agad ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa unang araw nito noong Nobyembre 2016?
Marami ang nagtanong kung bakit nila bubuhayin ang regulasyon na ito, gayong isang taon na itong dapat na ipinatupad nang maayos?
Kung mahigpit sana itong ipinatupad noon, hindi sana umabot sa ganito karami ang naitatalang motorcycle-related accident sa naturang highway.
Patunay lamang ito na naging ningas cogon ang kampanya na ito at ngayong lumalala na naman ang trapik sa Maynila, naisip na naman ng gobyerno ang motorcycle lane.
Kung mahusay itong naipatupad, naisapuso na sana ito ng mga rider at hindi na paulit-ulit ang media at ang MMDA sa pagbibigay-linaw sa mga panuntunan ng naturang batas.
Ilan pa bang batas-trapiko ang hindi naipatutupad nang maayos, hindi lamang ng MMDA kundi maging ng iba pang ahensiya ng pamahalaan?
And’yan ang pedestrian lane, yellow box (intersection), no blowing of horn, speed limit, no loading-unloading zone at maraming pang iba.
Mantakin n’yo, kung ang lahat ng ito’y maayos na naipatutupad, malamang ay naninikit na sa ilong, hindi lamang ng mga rider kundi lahat ng motorista, ang salitang “disiplina”.
Sa English, ang tawag dito ay “consistency” o tuluy-tuloy na pagpapatupad ng batas at hindi lang pabugsu-bugso na parang ulan.
Nitong nakaraang Martes, halos hindi na umusad ang mga sasakyan sa EDSA.
Pikon na pikon na naman ang mga motorista dahil nawala sa lansangan ang mga MMDA traffic enforcer.
Ganito na lang palagi ang nangyayari sa tuwing nagkakabuhul-buhol ang mga sasakyan, nawawalang parang bula ang mga traffic constable.
Hindi ba dapat bigyan ang mga ito ng portable GPS (global positioning system), upang malaman sa MMDA Central Command kung sila’y nananatili sa kanilang puwesto?
Consistency ang kailangan, amigo!