Ni: PNA

MALAKI ang naging pagbabago ng gamutan sa HIV sa nakalipas na 15 taon, na mayroong aabot sa 57 porsiyento ng mayroong HIV sa mundo ang kasalukuyang sumasailalim sa gamutan, ayon sa pinakabagong datos ng Joint United Nations Programme on HIV and AIDS o UNAIDS.

Noong taong 2000, 685,000 katao lamang na mayroong HIV ang nakatatanggap ng antiretroviral therapy; noong Hunyo 2017, aabot sa 20.9 na milyong katao sa 36.7 milyon sa buong mundo ang nakatatanggap na ng mga gamot, ayon sa pinakabagong ulat ng UNAIDS, Right to Health, na inilunsad bago pa man ang World AIDS Day.

“This is the kind of acceleration we need to encourage, sustain and replicate,” lahad ni UNAIDS Executive Director Michel Sidibe.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil sa tumataas na bilang ng mga taong may HIV na nakatatanggap ng gamutan, ipinakita rin sa pag-aaral na ang taong nabubuhay na mayroong HIV at sumasailalim sa antiretroviral therapy ay mayroong 97 porsiyentong posibilidad na hindi makahawa.

Samantala, bumaba naman ang impeksiyon ng sakit sa pagitan ng mga buntis na ina sa kanilang mga sanggol, na nakatatanggap ng gamutan, sa 56 porsiyento mula 2010 hanggang 2016 sa silangan at katimugang bahagi ng Africa, ang rehiyon na pinakaapektado ng HIV sa buong mundo, at bumubuo sa 47 porsiyento ng kabuuang bilang ng apektado ng naturang virus sa buong mundo.

Ang pangunahing hamon sa ngayon ay ang matiyak na ang halos 16 na milyon na nangangailangan ng gamutan, kabilang ang 919,000 batam, ay may access sa gamot; at ang gawing prioridad ang pagpigil sa pagdami ng mga kaso ng HIV sa pampublikong programang pangkalusugan sa mga bansang mabilis na dumadami ang HIV infections.

Binigyang-diin sa pag-aaral na ang pagdadagdag ng pondong pangkalusugan ang pangunahing susi upang mabawasan ang pagtatala ng mga bagong kaso ng HIV infections at pagkamatay dahil sa AIDS.

Ang Right to Health ay malinaw na naglalahad sa mga suliraning kahaharapin upang masugpo ang epidemya ng AIDS pagsapit ng 2030, alinsunod sa 2016 UN Political Declaration on Ending AIDS.