NAGLABAS nitong Sabado si House Speaker Pantaleon Alvarez ng listahan ng anim na kandidato sa pagkasenador ng PDP-Laban, at dalawa sa mga ito ay bagong mukha — sina Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson, at Presidential Spokesman Harry Roque — na kaagad na umani ng reaksiyon.
Nilinaw naman ni Senate President Aquilino Pimentel III na hindi pa pinal ang nasabing listahan, lalo na dahil hindi siya kabilang doon bilang reelectionist. At siya ang presidente ng naghaharing partido. “We have to involve the entire party membership, including the party chairman, President Duterte, in the decision-making process,†aniya.
Noong nakaraang buwan, isinapubliko ni Pimentel ang sarili niyang listahan ng mga pangalan na bahagyang naiba sa mayroon si Speaker Alvarez. Nangunguna si Pimentel sa sarili niyang listahan, bagamat mahaharap siya sa problemang legal sakaling kumandidato siya. Dalawang termino lamang ang pinahihintulutan ng Konstitusyon para sa isang senador at pinagsilbihan ni Pimentel ang dalawang taon ng termino ni Sen. Juan Miguel Zubiri, na nagbitiw sa tungkulin, at nanalo para sa ikalawang termino noong 2013. Ito marahil ang dahilan kaya hindi siya isinama ni Speaker Alvarez sa listahan nito.
Ganitong panahon ay nagsusulputan na ang mga pangalan ng mga kandidato, bagamat kadalasang naghihintay pa ang mga kandidato na lumipas ang Pasko. Pagsapit ng Enero 2018, aktibo nang masisilayan sa mga pampublikong aktibidad ang mga nagpaplanong kumandidato sa pagkasenador. Kinakailangang sa iba’t ibang panig ng bansa kumandidato ang mga nais maging senador, kaya mas malawakan ang kanilang kampanya, hindi tulad ng mga kongresista, gobernador, alkalde, at iba pang lokal na opisyal na kailangan lamang na maglibot sa kani-kanilang distrito, lalawigan, bayan, o siyudad.
Hindi maiiwasang ang lahat ng kandidato sa pagkasenador sa bansa ay maikumpara sa mga dakilang personalidad na naging katangi-tangi ang paglilingkod sa Senado ng Pilipinas. Kabilang sa kanila sina Claro M. Recto, Lorenzo Tañada, Jovito Salonga, Jose W. Diokno, Jose Yulo, Mariam Defensor Santiago, Edgardo Angara, at Aquilino Pimentel, Jr. Naging pangulo pa ng bansa si Ferdinand Marcos , Sr., habang naging martir at bayani naman si Benigno S. Aquino, Jr.
Sa paghahalal ng mga bagong senador sa Mayo 13, 2019, matatanim sa isipan ng maraming botante ang mga pangalang ito.
Totoong nabuhay sila sa ibang panahon, noon gang mga botante ay may ibang panuntunan sa paghahalal ng mamumuno sa kanila. Subalit marami pa rin ang rumerespeto sa mga kagalang-galang na kasapi ng Senado na ito hanggang sa kasalukuyan.
Sa kabila ng lahat, ang paglalabas ng mga opisyal ng administrasyon ng kani-kanilang posibleng pambato sa pagkasenador ay isang malinaw na senyales ng umiiral na demokrasya. Ang mga pangalang binanggit ng PDP-Laban ay maaaring hindi kasing dakila ng pinakamahuhusay na senador sa kasaysayan ng Pilipinas, subalit mahalagang magkaroon sila ng sariling kontribusyon sa pagtatatag ng bansa ng mga Pilipino.