HINDI na sa Eat Bulaga, The Lola’s Beatiful Show o sa telebisyon lang masasaksihan ang wit at comedic chemistry nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros kundi pati na rin sa kanilang bagong pelikula.

JOSE WALLY AT PAOLO copy copy

Muling bubuhayin ng tatlong hosts/comedians, na mas kilala ng sambayanang Pilipino bilang JoWaPao, ang karakter nina Lola Tidora, Lola Nidora, at Lola Tinidora sa kanilang late morning program.

Ang 30 minutong programa bago sumalang ang Eat Bulaga o tuwing 11:30 ng umaga sa GMA Network ay nagbabahagi ng mga kuwento ng mga paborito nating artista at mga aral na kanilang natutuhan sa buhay at pag-ibig.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Ang programa ay parang extension na ng kalyeserye. Pareho pa rin ang mga karakter namin pero mas madami na kaming nakakausap at nakikilalang tao. Mas nakakapaghatid kami ng tuwa at ligaya sa manonood dahil na din sa good vibes na hatid ng show,” sabi ni Wally.

Sorpresa para sa tatlo na nabibiyayaan sila ng mga bagong proyekto tulad ng The Lolas’ Beautiful Show. Binigyan lang pala sila ng dalawang linggo upang mapaghandaan ang kanilang pilot episode na umere noong Setyembre 25. Ayon kay Paolo, kailanman ay hindi nila naisip na magkakaroon sila ng sarili nilang morning talk show.

“Masaya kami sa oportunidad na ito dahil alam namin na hindi araw-araw ay may dumarating na ganitong blessing. Andoon din ‘yung pakiramdam na mas may malaki kaming responsibilidad sa manonood. Pinag-aaralan namin ang lahat. Pinag-uusapan ang bawat episode ng programa dahil gusto namin na makapagbigay ng kalidad na show sa kanila,” saad ni Paolo.

Nagpapasalamat naman si Jose na pagkaraan ng dalawang taon simula nang ipakilala sa telebisyon ang mga lola sa kalyeserye, patuloy pa rin itong sinusundan at tinatangkilik ng manonood. Nagpapasalamat din siya sa suportang ibinibigay ng kanilang Eat Bulaga family.

Dalangin ng tatlo na ang pagmamahal at suportang tinatamasa nila ngayon ay maibigay din sa kanilang bagong pelikulang Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies na handog ng APT Entertainment at M-ZET TV Production, Inc.

Sa nasabing pelikula, patuloy ang pagbibigay-buhay ng JoWaPao sa kanilang mga karakter sa kalyeserye ngunit sa pagkakataong ito ay hindi upang gabayan sina Alden Richards at Maine Mendoza, kundi ipakita ang kanilang personal adventures. Kasama nila sa pelikula sina Miggy Tolentino, Kenneth Medrano, Caprice Cayetano, Shaira Mae dela Cruz, Taki Saito, Arthur Solinap, Angelika dela Cruz, at Ryzza Mae Dizon. . Magbubukas ito sa mga sinehan simula Nobyembre 22.

“Ibang-iba ang proyeto na ito sa Lolas’ Beautiful Show dahil na din sa action/adventure na tema ng movie,” saad ni Wally. Dagdag pa ni Jose, ipapakita nila na kahit na may edad ang mga lolo at lola natin ay marami pa rin silang nagagawa sa buhay.

Samantala, kahit sa kabila’t kanang showbiz commitments ang tatlo, hindi nila alintana ang pagod dahil nag-i-enjoy sila.

“Nagtatrabaho kami araw-araw pero ‘di mo kami mariringgan ng kahit na anong reklamo kasi gusto namin ang ginagawa namin. Mahal namin ang trabaho at ang mga kasama namin dito. Nagpapasalamat kami sa lahat ng pagmamahal at suporta,” ani Paolo.

Patuloy silang ikinukumpara sa Tito Vic & Joey at may nagsasabi pa na sila sumusunod sa mga yapak ng haligi ng Eat Bulaga, pero ang magkakasabay na tugon nila ay, “Madami pa kaming kakainin na bigas”.

Inamin ni Jose na lahat ng jokes, hosting styles at kung papaano makipag-interact sa audience ay natutuhan nila sa TVJ, pero hindi nila kayang pantayan ang mga nagawa at patuloy na nagagawa sa showbiz ng mga main men ng Eat Bulaga.

“Masaya kami ‘pag nakakadinig noon pero napakalayo namin. Wala kami sa kalingkingan nila. Walang makakalampas sa nagawa at patuloy na ginagawa ng TVJ. Ang tanging magagawa lang namin ay gawin silang inspirasyon at laging isapuso kung bakit kami nasa harap ng kamera – ‘yun ay para magbigay saya at ligaya sa lahat,” pagtatapos ni Jose.