Ni: Celo Lagmay

HALOS kasabay ng pagtiyak ng Duterte administration na pangangalagaan ang buhay, kalayaan at kaligtasan ng mga mamamahayag, tila hindi pa rin humuhupa ang pagdadalamhati ng mga biktima ng karumal-dumal na Maguindanao massacre; lalo na ngayong ginugunita ang ika-8 anibersaryo ng naturang nakakikilabot na eksena na ikinamatay na mahigit 30 kapatid natin sa media.

Ang naturang pagtiyak ay tahasang inihayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar makaraang malantad ang pananatili ng Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamataas na impunity rate. Ibig sabihin, ang ating bansa ang may pinakamaraming napapatay na mediamen na hindi nagtatamo ng katarungan; tinutugis ang mga pinaghihinalaang pumatay, inaaresto at inihahabla. Subalit madalas kaysa hindi, ang kanilang mga kaso ay nanatiling binubusisi ng mga prosecutors at mga huwes habang ang mga biktima ay patuloy na nagbibiling-baligtad sa kanilang mga libingan.

Sa kabila ng gayong hindi napapawing paghihinagpis ng mga biktima ng naturang nakapanghihilakbot na masaker, ibig kong maniwala sa pangako ni Andanar. Tandisan niyang binanggit ang pagbibigay-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na hindi palalampasin ng gobyerno ang karahasan at panggigipit sa media.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nakaangkla ang kanyang pahayag sa pagkakalikha ng Pangulo ng Presidential Task Force on Media Security (PTFMS) na itinatadhana ng Administrative Order (AO) No. 1. Iniuutos nito ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga mamamahayag at ng kanilang pamilya. Kaakibat ito ng pagtalaga ng mga imbestigador at prosecutos upang mapabilis ang pag-uusig sa mga bagong media killings.

Hindi lamang ang mga pagpaslang ng mga kapatid natin sa propesyon na naganap sa kasalukuyang administrasyon ang dapat pagtuunan ng pansin ng PTFMS. Marapat ding sulyapan ang talaan ng halos 200 mamamahayag na napatay simula noong panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino hanggang noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino. Wala akong natatandaang media killings na nilitis at hinatulan na media killer.

Kung sabagay, hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang mataas na impunity rate dahil nga sa kawalan ng hustisya ng napapatay nating mga kapatid sa hanap-buhay. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang ating bansa pa rin ang pinakamapanganib na lugar para sa mga dayuhan, lalo na sa mga foreign journalists.

Asahan na lamang natin na mapagbabago ng PTFMS ang nakakikilabot na impresyon hinggil sa karapatan ng mamamahayag; katarungan sa kamatayan ng mga biktima na hanggang ngayon ay nagbibiling-baligtad pa rin sa kanilang kinahihimlayan.