Ni: Martin A. Sadongdong

Pitong riding-in-tandem (RIT) suspect, na sinasabing nasa likod ng ilang karumal-dumal na pagpatay sa Metro Manila, ang kinilala at iniharap ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) sa SPD headquarters sa Taguig City kahapon.

Inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig at Makati City, kinilala ang mga suspek na sina Jovilo Sayadi, alyas Bilog, 25; Nasrodin Ayob, 40; Alvin Julius Aragon, 30, at Jonel Dequillo, 30; at JR Talangan Cocjin, alyas Nonoy Pating, 21; John Patrick Baterna Orias, 20; at Jonathan Cervano, 24 anyos.

“At least we’ll prove our effort to go against riding-in tandem criminals with the arrests of these suspects since most of the killings, or what is usually called extra-judicial killings (EJKs), blamed to the PNP will already be solved,” pahayag ni NCRPO Director Oscar Albayalde.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ang Regional Police Intelligence Office Unit (RPIOU) na umaresto kay Sayadi, na umano’y sinamahan ng kanyang kasabwat na si Ayob, sa San Felipe Street, Barangay Upper Bicutan sa Taguig dakong 8:20 ng gabi nitong Martes.

Dinakma ang dalawa makaraang maghain ng warrant of arrest, sa kasong murder, laban kay Sayadi na inisyu ni Judge Jaime Guray ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 260.

Tubong North Cotabato at nakatira sa San Diego Street, Upper Bicutan, si Sayadi ay kinikilalang top most wanted personality sa Parañaque City sa ikatlong bahagi ng 2017 at pinaniniwalaang nagsagawa ng 20 pagpatay, ayon kay Parañaque Police chief Senior Supt. Victor Rosete.

Base sa ulat mula sa Parañaque Police, sinabi ni Albayalde na ang dalawang suspek ay parte rin ng Mamalangkay criminal group na sangkot sa pagnanakaw, hold-up, carnapping at drug pushing incidents sa Muntinlupa, Parañaque at Taguig.

Kasalukuyang tinutugis ang leader ng grupo na si Swaid Mamalangkay.

Idinagdag ni Albayalde na si Sayadi ang suspek sa pagpatay sa taxi driver na si Edward Gamboa, 42, noong Nobyembre 28, 2016; sa 16-anyos na si John Marco Maranan noong Abril 15, 2017; at kina Mary Jane Brustillo, 45; at Anita Ramos, 39, pawang taga-Parañaque.

ARESTADO SA CHECKPOINT

Dinakip naman sina Aragon at Dequillo nang tangkaing tumakas sa checkpoint sa Romantic Street, Bgy. Santa Ana, Taguig, nitong Lunes. Nakuha umano sa kanila ang isang .45 caliber pistol at .9mm caliber pistol. Carnapped din umano ang motorsiklong kanilang sinasakyan.

MAKATI MURDER CASES

Dinampot naman sina Cocjin, Orias at Cervano sa Makati nitong Lunes, sa pagkakasangkot sa pagpatay sa 17-anyos na si Maynard Manalo nitong Nobyembre 14, at pagkakasugat sa retiradong pulis na si Bias Fabros, 47; at kay Micaela Orque, 17m, nitong Linggo.