Ni: Francis T. Wakefield

Kinumpirma ng Philippine Navy, sa pamamagitan ng Naval Forces Western Mindanao, ang pagkakadakip sa anim na armadong lalaki na pinaniniwalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group-Kidnap-for-Ransom (ASG/KFRG) Group sa karagatan ng Sulu nitong Lunes.

Kinilala ni Rear Admiral Rene Medina, commander ng Naval Forces Western Mindanao, ang anim na naaresto na sina Omar Amping, 39; Gabby S. Juwa, 35; Jadi Luhadi, 21; Alcimel Abdulla, 18; Madi Jalilul, 19; at Sakkam Dekani, 60 anyos.

Nabatid sa imbestigasyon na si Amping ay isang kilabot na gun-for-hire, ikaapat sa most wanted persons ng Zamboanga City, at may dalawang arrest warrant sa limang bilang ng murder.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakumpiska rin mula sa mga bandido ang isang M16A1 rifle na may tatlong mahahaba at isang maiksing magazine na may 110 bala.

Ayon kay Medina, dinakip ang anim sa Bolod Island, Tonquil, Sulu bandang 8:32 ng gabi nitong Lunes.

Kaagad na sumailalim sa pagsusuring medikal ang anim na naaresto bago inimbestigahan ng pulisya at militar.

Nauna rito, iniulat ng isang miyembro ng Special CAFGU Active Auxilliary (SCAA) na tinatakot ang bangkang pangisda na FB Nancy 888, ng Nancy Fishing Company, at hinabol pa ng hindi natukoy na armadong grupo nitong gabi ng Nobyembre 19.