Ni: Fer Taboy

Sinampahan ng kasong kriminal ang apat na pulis na pumatay sa isang binata sa harap ng isang restobar sa Daet, Camarines Norte.

Nabatid sa imbestigasyon ng Daet Municipal Police na madaling araw ng Nobyembre 18 nang mangyari ang krimen sa harap ng Booze & Barrel Restobar sa San Vicente Road, Barangay Lag-on, Daet.

Kinumpirma ng Daet Police na binaril at napatay si Jhake Glipo, 28, ng isa sa tatlong nagrespondeng pulis.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Kinilala ni Supt. Wilmore Halamani, hepe ng Daet Police, ang suspek na si PO2 Alvin Francis Villarez, nakatalaga sa San Vicente Municipal Police.

Martes nang naghain ng reklamo sa tanggapan ni Supt. Halamani ang pamilya Glipo laban kay PO2 Villarez at sa tatlong hindi pinangalanang kasamahan nito.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, unang nagtalo sina PO2 Villarez at Glipo sa restaurant at nahagip pa ng CCTV ang insidente, hanggang sa pagbabarilin umano ng pulis ang biktima, habang nanonood lang ang tatlong kasamahan nitong pulis.

Nabatid pa kay Supt. Halamani na simula nang mangyari ang krimen ay hindi na pumasok sa trabaho si PO2 Villarez.

Samantala, nailibing na si Glipo, at pinaghahanap na ng Daet Police si PO2 Villarez at tatlo pang kasamahan nito upang papanagutin sa krimen.