Ni TARA YAP
ILOILO CITY – Tatlong pulis ang nasugatan kahapon makaraang salakayin ng New People’s Army (NPA) ang detachment ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa bayan ng Sibalom sa Antique.
Kinilala ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6, ang mga nasugatan na sina PO3s Michael Alejo, Salvador Cordero, at Gabby Orantes.
Ayon kay Colonel Pio Diñoso, commander ng 301st Infantry Brigade (301 IB), nauna rito ay nagpasabog ang NPA ng improvised explosive device (IED) sa CAFGU detachment bandang 9:25 ng umaga kahapon.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Diñoso na hindi ang Army kundi mga pulis ang rumesponde sa insidente.
Sakay ang mga pulis sa kanilang mobile patrol car nang pasabugan ng isa pang IED.
Sinabi ni Diñoso na hindi naman posible na sinamantala ng NPA na hindi pa nakababalik ang 82nd Infantry Battalion (82 IB) sa orihinal na headquarters ng mga ito sa katimugang Iloilo, na malapit lamang sa pinangyarihan ng pag-atake.
Ang 82 IB, na sumasaklaw sa Antique, ay nasa Marawi City, Lanao del Sur pa rin para sa clearing operations.
Hunyo ngayong taon nang salakayin ng NPA ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Maasin sa Iloilo. Nangyari ang pag-atake isang araw makaraang ipadala ang puwersa ng 82 IB sa Marawi City.