Kung sa boxing ay handang makipagbasagan ng mukha si Senador Manny Pacquiao, halos sumuko naman siya sa mundo ng pulitika, at pinag-iisipan na umano niyang magbitiw bilang mambabatas.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Pacquiao na gusto na niyang magbitiw sa puwesto dahil hindi na niya umano kaya ang mundo ng pulitika.

“Gusto ko mag-resign, kaya lang sino naman ang magsisilbi sa tao?” ani Pacquiao.

Aniya, totoo na may mga edukadong lider sa bansa, ngunit wala naman umanong mga nagagawa at sinabing mas makatutulong ang tunay na mahirap sa taumbayan dahil alam nito kung ano ang problema at nararanasan ng mga pinakanangangailangan ng tulong.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

“Gumagastos ako para makatulong sa tao, ang problema maraming pulitiko ang nagnakaw sa gobyerno, eh, mahihirap na tao ang ninanakawan mo,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Pacquiao na pag-iisipan niya rin kung tatakbo pa siya sa ikalawang termino sa Senado sa 2022.

Nang tanungin kung may plano siyang kumandidatong pangulo, sinabi ni Pacquiao: “It is impossible to become a President without approval from God, marami na ang nag-inspire, maraming malalakas, pero kapag ‘di pinayagan ng Panginoon wala talaga.” - Leonel M. Abasola