Hindi man nila mawawakasan ang religious persecution o pag-uusig sa relihiyon, sinabi ng Aid to the Church in Need na maaaring suportahan ng mga Pilipino ang mga nagdurusang Kristiyano sa buong mundo at tumulong upang magkaroon ng kamalayaan sa kanilang sitwasyon.

“If Pinoys will be aware of reality in the world, we as Pinoys can do something concretely, not just give monetary help, prayer, information and action,” ani Jonathan Luciano, ACN Philippines, national director, sa press briefing para sa Red Wednesday campaign, na ilulunsad ngayong araw.

Nalulungkot ang ACN na hindi gaanong naiintindihan ang lawak ng religious persecution. Sa pamamagitan ng Red Wednesday, nilalayon ng ACN na mabigyan ng kaalaman ang mga Pilipino na hindi lamang ang mga Kristiyano ang higit na nakararanas ng paghihirap kumpara sa ibang pananampalataya, kundi dumarami rin ang mga nakararanas ng pinakamalalang uri ng pag-uusig.

Sinabi ni Luciano na hindi man gaanong nararamdaman ng mga Pilipino ang pagpapahirap dahil karamihan sa mamamayan ng bansa ay Kristiyano, sa ibang panig ng mundo tulad ng Middle East o Africa, ay hindi pinapayagan o ipinagbabawal ang Kristiyanismo o relihiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Mark Von Riedemann, ACN international director for public affairs and religious freedom, na mayroong tatlong uri ng pag-uusig sa mga Kristiyano, at isa rito ay ang extremism na naranasan ng Pilipinas sa fundamentalist groups na naghahasik ng pagkakahati sa mamamayan.

Sumang-ayon sa kanya si Marawi Bishop Edwin Dela Pena, isa sa panelists, na binanggit ang kanilang karanasan sa Marawi.

“When we talk about persecution in the context of Marawi, it is a persecution that has been felt by both Muslims and Christians, the moderate Muslim. We see there is an interesting situation here where Muslims and Christians suffered and we suffered together,” aniya.

Kaugnay sa paglulunsad ng Red Wednesday, isang Misa ang idadaos dakong 5:30 ng hapon ngayong araw sa Manila Cathedral na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Bilang suporta sa Red Wednesday campaign, inimbitahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang lahat ng mga cathedral, minor basilica, national at diocesan shrine na pailawan ng pula, ang kulay ng martyrdom sa paniniwalang Kristiyano, ang kanilang harapan.

Nobyembre 2016 nang unang inilunsad ang ACN sa United Kingdom upang isulong ang huling ulat sa Religious Freedom in the World. Kumalat na ang kampanya sa iba’t ibang bansa. Sinusuportahan ng ACN ang mga Kristiyano, saan mang sulok ng mundo, na pinapahirapan, inaapi o nagdurusa sa materyal na pangangailangan. - Leslie Ann G. Aquino