Ni: Celo Lagmay

MISTULANG nanggagalaiti si Pangulong Duterte nang kanyang putulin ang pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines/ New People’s Army/ National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Nangangahulugan na nasagad na ang kanyang pasensiya at tiyak na hindi na ipagpapatuloy ang nauntol na peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng naturang grupo ng mga rebelde.

Naniniwala ako na masyadong ikinagalit ng Pangulo ang bintang sa kanya ng CPP-NPA-NDF: Pasista, tiwali at mamamatay-tao (fascist, corrupt and murderer). Kung iyon ang bintang sa kanya, bakit nga naman kakausapin pa niya ang nasabing mga rebelde.

Dahil dito, tandisang binansagan ng Pangulo ang nabanggit na mga grupong maka-kaliwa o left-leaning groups bilang mga terorista. Ibig sabihin, hindi na sila lehitimong mga rebelde kundi terorista na walang humpay sa paghahasik ng madugong karahasan sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kamakailan lamang, isang malagim na labanan ang naganap sa pagitan ng mga sundalo at pulis at ng mismong mga NPA rebels sa Mindanao. Isipin na lamang na bukod sa napatay na mga miyembro ng magkabilang panig, isang sanggol pa ang napatay.

May mga ulat na kabi-kabila ang panununog ng mga rebelde ng mga makinarya na ginagamit sa agrikultura at sa iba pang industriya. Sinasabing naganap ang karumal-dumal na patayan at pamiminsala ng mga ari-arian dahil sa umano’y pagtangging magbigay ng revolutionary taxes sa mga rebelde.

Sa kabila ng tumatabang at tumatamlay na relasyon ng Pangulo at ng CPP-NPA-NDF, tila gusto kong maniwala na pakitang-tao lamang ang pagputol ng naturang peace talks. Hindi ba sa pagsisimula pa lamang ng panunungkulan ng Duterte administration, kabilang na sa hinirang na mga miyembro ng Gabinete ang tinaguriang left-leaning personalities?

Dangan nga lamang at ang naturang mga Cabinet members ay hindi pinalad na malalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

Hindi ko matiyak kung plano ring putulin ng Pangulo ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng iba pang grupo ng mga rebelde at bandido, tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF),

Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa. Ang ilang miyembro ng nabanggit na mga rebelde ang malimit manguna sa paghahasik ng panganib sa Mindanao. Sinasabi na ang ilan sa mga ito ay kaalyado ng mapanginib na Maute Group na kamakailan lamang ay nakipagbakbakan sa ating mga sundalo at pulis. Bunga nito, hindi lamang nawasak ang Marawi City kundi daan-daan pa ang namatay sa magkabilang panig.

Palibahasa’y mapagmahal sa katahimikan, naniniwala ako na marapat pa ring ipagpatuloy ang nauntol na mga peace talks upang maalalayan ang patuloy na pag-ilap ng kapayapaan.