Ni: Yas D. Ocampo
DAVAO CITY – Inihayag ng Department of Health (DoH) na nangako ang China na popondohan ang pagtatatag ng dalawang regional drug treatment at rehabilitation center sa Socsargen at Caraga.
Sa press conference sa Royal Mandaya Hotel nitong Lunes, sinabi ni DoH Secretary Francisco Duque III na nakatanggap ang bansa ng garantiya na magtatayo ang China ng mga naturang center sa Sarangani at Agusan del Sur.
Natanggap ang garantiya nitong nakaraang linggo kasabay ng ASEAN ministers meeting sa Pampanga kamakailan.
Inilahad naman ni Assistant Secretary Abdullah Dumama, Jr. na nangako ang gobyerno ng China ng $22.5 million para sa parehong pasilidad, na $11.25 million ang halaga bawat na.
Inihayag din ni Duque na bumuo na ang DoH ng pangkalahatang programa na sasaklaw sa mga drug surrenderer para sumailalim ang mga ito sa rehabilitasyon.
Ngunit, aniya, dedepende pa rin ito sa pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM), para sa susunod na mga taon.
Sinabi ni Duque na ang budget para sa mga rehabilitation center para 2018 ay umabot na sa P760 milyon.