Ipinanukala kahapon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mas mainam umanong buwagin ang Court of Appeals (CA) at sa halip ay dagdagan ang mga trial court upang pangasiwaan ang mas mabilis na pagkakamit ng hustisya.
Ito ang mungkahi ni Alvarez sa kanyang opening message sa Conference on Judicial Institution Building and Reforms sa New World Manila Bay Hotel sa Maynila.
Ikinadismaya ni Alvarez ang mabagal na usad ng mga kaso na umaabot ng “years, if not decades” bago malutas, kasabay ng pagsasabing kinakailangang pasimplehin ang proseso pagdating sa judicial reforms.
Ipinaliwanag niya na ang mga kasong matagal naresolba sa trial level, at ang mga isinangguni sa Court of Appeals ay “decisions take another couple of years to be resolved.”
“This status quo is not acceptable and we have to be mindful of the realities in the judiciary as we review and revise the Constitution,” aniya.
“I propose that the Court of Appeals—unless it can speedily resolve cases brought to it, and unless it can be shown that it facilitates, rather than delays the speedy disposition of justice—be abolished. Rather, let us expand the number of our trial courts in proportion to our population,” sambit ni Alvarez.
Inirekomenda rin ng Speaker na alisin ang delaying tactics ng mga abogado, ayusin ang mga schedule ng korte upang mabigyang-pansin ang bilang ng mga kasong tatapusin, mamuhunan sa specialization of courts, at pag-ibayuhin ang kapasidad ng mga hukom at kawani.
Iminungkahi rin ni Alvarez ang mas mahigpit na lehislatura upang matuldukan ang kurapsiyon. - PNA