NI: PNA
INIHAYAG ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Public Affairs Committee (CBCP-PAC) na ang pondong nakalaan sa pagbili ng contraceptive pills at condom ay nararapat na ilaan na lamang sa pagtulong sa mahihirap na Pilipino upang makapagpaospital ang mga ito at mapagkalooban ng iba pang mga benepisyo.
Ito ang naging tugon ni CBCP-PAC Executive Secretary Fr. Jerome Secillano sa nakabimbin na implementasyon ng Reproductive Health (RH) Law matapos na madiskubre ng Food and Drug Administration (FDA) na ang dalawang contraceptive na saklaw ng temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema ay hindi abortifacient o hindi nakapagdudulot ng aborsiyon.
“Is it really sound to pour in billions for the procurement of pills and condoms while many Filipinos don’t even have access to real medicines when they get sick?” tanong niya.
“Can these ‘non-abortifacients’ be an alternative for food and shelter which the Filipinos truly need?” dagdag pa ng pari.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal ng CBCP-PAC na babantayan nila ang implementasyon ng RH Law kung tunay ngang makatutulong ito sa pagsugpo sa kahirapan sa Pilipinas.
“Let’s see whether RH Law once implemented will indeed curb poverty in our country,” ani Secillano.
Mahigit sa P300 milyon ang inilaan ng Kamara de Representantes sa bersiyon nito ng 2018 General Appropriations Act para sa implementasyon ng kontrobersiyal na batas.
Ilang beses nang kinontra ng Simbahang Katoliko ang RH Law, dahil hindi umano ito pro-people, o pabor sa mamamayan, at hindi pro-God, o maka-Diyos.