NI: Francis T. Wakefield
Inihayag kahapon ng militar ang pagkakaaresto nito sa siyam na katao na hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) habang sakay sa isang jeepney nang maharang sa police checkpoint sa Nasugbu, Batangas, nitong Lunes.
Ayon kay Brig. Gen. Arnulfo Marcelo B. Burgos Jr., commander ng 202nd Infantry Brigade, naharang ng mga operatiba ng Nasugbu Police ang jeep na kinalululanan ng siyam na katao, bandang 8:18 ng umaga.
Sinabi ni Burgos na ang pag-aresto ay nangyari matapos ang engkuwentro sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga rebelde sa Barangay Utod, Nasugbu.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jocelyn Cabadin, Jenelyn Bayani, Leonardo Delos Reyes Jr., Carlos Sanosa, Orlan Cabadin, Josefino Castilalno, Pheping Sacdala, Roberto Hernandez, at Mark Anthony Banaga.
Lunes ng umaga nang kinilala ng mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF), Batangas PPSC, at Philippine Army ang mga nadakip bilang ang mga armadong nagtangkang tambangan sila.