Anim sa 10 Pilipino ang handang tumulong sa mga biktima ng krisis sa Marawi, batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).

Isinagawa ang nationwide survey noong Pebrero 23-27 sa 1,500 respondents at lumalabas na 60 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing sila ay handa (27% “very ready” at 33% “somewhat ready”) na umagapay sa mga taong naapektuhan ng krisis sa Marawi.

Samantala, 20% ang hindi handa (11% “somewhat unready” at 9% “very unready”), at 20% ang hindi makapagpasiya sa usapin.

Tinanong ang mga respondent na, “how ready are you to help the victims of the Marawi City crisis?”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Tinanong din ang mga handang tumulong na, “which of the following can you do in order to help the victims of the Marawi City crisis?”

Nangunguna sa mga paraan ng pagtulong ang ipagdasal o mag- alay ng misa para sa mga biktima (54%), magkaloob ng relief goods (51%), at mabigay ng damit (49%).

Ang iba ay nais magbigay ng pera (16%), personal na tumulong sa pag-iimpake o paghahatid ng relief goods (13%), patutuluyin sa kanilang tirahan ang mga biktima (4%), magbigay ng transportasyon (2%), at mag-abot ng libreng gamot (0.1%).

Pinakamarami ang handang tumulong sa krisis sa Marawi sa Mindanao na nasa 70%, sinusundan ng Metro Manila sa 68%, Visayas sa 57%, at iba pang bahagi ng Luzon sa 54%.

Ito ay 63% sa mga lungsod, at 57% sa kanayunan.

Binanggit din ng SWS na 67% ng handang tumulong ay mga relihiyon bukod sa Katoliko at Islam, 66% ay mga Muslim, 61% ang Iglesia ni Cristo, at 59% ang Katoliko.

Mas maraming Muslim naman ang nagsabing magbibigay sila ng pera (28%) at patutuluyin sa kanilang bahay ang mga biktima (17%) bilang mga bagay na magagawa nila para makatulong sa mga biktima ng krisis sa Marawi. - Ellalyn De Vera-Ruiz