ni Ric Valmonte

SA Nobyembre 22 na didinggin ng Kamara ang impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema. Batay ito sa reklamong isinampa ni Atty. Lorenzo Gadon na nag-aakusa sa Punong Mahistrado ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

May pag-aatubili ang CJ na humarap sa Kamara, dahil kung siya ang masusunod, hahayaan na lang niya ang kanyang mga abogado na kumatawan sa kanya. Ang problema, papayagan daw ni House Justice Committee Chair Reynaldo Umali na ipa-cross-examine ang mga testigo laban kay Sereno kung ito mismo ang gagawa nito. Nakabimbin pa ang kahilingan ng CJ sa Kamara na ang kanyang mga abogado na lang ang magsagawa ng cross-examination sa mga testigo.

Ayon kay Albay Rep. Edcel lagman, sapat na ang CJ ay kinakatawan ng abogado. Hindi raw siya sumasang-ayon sa opinyon ni Umali na si Sereno mismo ang magtanong sa mga testigo. Ang impeachment case ay parang criminal case. Kaya, aniya, sa ilalim ng Saligang Batas, maging ng House rules on impeachment, karapatan nito na kumuha ng sariling abogado at kaakibat nito ay ang karapatang ma-cross-examine ang testigo sa pamamagitan nito.

Isyu ito ng due process. May batayan si Sereno na magtungo sa kanyang sariling Korte upang ito ay resolbahin. Nagbanta na nga siya na gagawin niya ito kapag hindi pinahintulutan ng Kamara ang kanyang kahilingan na ma-cross-examine ng kanyang mga abogado ang mga testigong ihaharap laban sa kanya.

Gagawin niya ito hindi bilang pinuno ng Korte Suprema kundi bilang ordinaryong mamamayan. Ipupursige niya ang paggalang sa Rule of Law na nagsasaad na ang lahat ng nasa gobyerno, pinakamataas at pinakamababa, ay likha ng batas kaya nararapat lamang na yumukod sila dito. At ang lahat ng tao, anuman ang kalagayan sa buhay, ay pantay-pantay sa mata ng batas. Kahit kongresista o chairman ka ng Committee on Justice, sumunod ka sa batas. Kahit si Sereno o ordinaryong tao ang nililitis mo, igalang mo ang kanyang karapatan.

Isyu rin ito ng paggalang. Kung papayagan mo rin lang ang cross-examination, bakit kailangan pang si CJ ang magsagawa nito gayong ibinibigay naman niya ang kanyang karapatang ito sa kanyang mga abogado? Bahala si Sereno kung ano ang kahihinatnan ng kanyang gagawin. Anuman ang mangyari, kahit sa bentahe o ikababagsak niya, siya naman ang papasan nito.

Hindi maganda na siya mismo ay dumadalo sa pagdinig gayong aalamin lamang ng Kamara kung may probable cause ang impeachment case laban sa kanya. Sa baitang pa lang nitong kaso, hindi katanggap-tanggap na naroon na si Sereno na mistulang isinuko ang kalayaan ng Korte Suprema na kanyang pinamumunuan gayong ito ay hiwalay, malaya at patas sa Kongreso.

Tama lang na hindi dumalo si CJ sa pagdinig dahil ito ang tanging paraan na maigigiit niya ang kanyang karapatan, na karapatan din ng mga ordinaryong mamamayan, tulad ng mga pinatay sa war on drugs.