ANG tsansang maging positibo ang pandaigdigang pagsisikap upang matuldukan na ang bantang nukleyar ng North Korea ay maliwanag na nakasalalay sa China, ipinaubaya na rito ng Amerika.
Nakipagpulong si United States President Donald Trump kay China President Xi Jinping nang bumisita siya sa Asya at hiniling dito ang mas pursigidong pagsisikap upang pigilan si Kim Jong Un ng North Korea sa paulit-ulit na pagbabanta na magpapakawala ng nuclear-armed missile sa Pasipiko patungo sa Amerika.
Noong nakaraang linggo, nagtungo sa Pyongyang, ang kabisera ng North Korea, ang high-level Chinese envoy na si Song Tao, kung saan nakipagpulong siya kay Choe Ryong Hae, vice chairman ng naghaharing partido sa North Korea at isa sa pinakamatataas na opisyal ng bansa kasunod ni Kim.
Napaulat na may bitbit na handog si Song para kay Kim at tinalakay kay Choe ang mga kaganapan sa katatapos na China Communist Party Congress sa Beijing. Naglabas ng opisyal na ulat ang Korean central news agency tungkol sa nasabing pulong, sinabing nagkasundo ang dalawang opisyal na ang kanilang mabuting ugnayan ang “common treasure of the two peoples”.
Gayunman, naniniwala si President Trump na ang misyon ni Song ay higit pa sa karaniwan nang pagpapahayag ng pakikipagkaisa at pagkakaibigan, at bilang kinatawan ng China ay nanawagan sa North Korea na tigilan na ang mga pagbabanta sa Amerika. Ginamit pa ni Trump ang Twitter upang purihin ang misyon ni Song. “We’ll see what happens,” tweet niya.
Ang buong mundo, kabilang na ang Pilipinas, ay kaisa ng presidente ng Amerika sa pag-antabay sa mga susunod na mangyayari.
Mahalagang balikan sa alaala na matagal nang kinokondena ng North Korea ang joint US-South Korea military exercises na inilarawan nitong pangdepensa lamang, ngunit itinuturing itong banta ng North Korea. Kahit ngayon, nakapuwesto sa karagatan malapit sa Korean peninsula ang tatlong aircraft carriers ng Amerika—ang USS Ronald Reagan, ang USS Theodore Roosevelt, at ang USS Nimitz, kasama ang kani-kanilang strike group ng mga cruiser at destroyer—at nakikibahagi sa mga pagsasanay ng mga barkong pandigma ng Japan at South Korea.
Ang labanan sa Korean War sa pagitan ng South at North, na sinuportahan ng mga tropa ng United Nations kabilang ang sandatahan ng Pilipinas, ay nagsimula noong 1950 at nagtapos noong 1953. Subalit hindi opisyal na nagwakas ang digmaan at walang tratadong pangkapayapaan ang nilagdaan. Hanggang ngayon, itinuturing ang North Korea nab anta sa kapayapaan sa rehiyon, habang itinuturing naman nito ang buong mundo na banta sa pagiging bansa nito.
Ngayong mistulang nakalikha na ang North ng mga nukleyar na armas kasama ng mga long-range missile, paulit-ulit na ang naging pagbabanta nito ng digmaang nukleyar. Ang misyon sa North Korea ng opisyal ng China na si Song ang huling development sa matagal nang problema na ito, at matamang naghihintay si US President Trump sa kung ano ang susunod na mangyayari.
Walang sinuman ang nakatitiyak sa anuman sa ngayon. Subalit kung sakaling may nangyaring positibo ang huling pagsisikap ng China, umaasa tayong ang mga sangkot na bansa ay hindi titigil sa paghinto ng mga bantang nukleyar at pagtataboy sa strike groups. Umasa tayong tatalakayin din nila ang tungkol sa pangmatagalang kapayapaan, kabilang na ang opisyal na pagbibigay-tuldok sa Korean War ng 1950.