NGAYON lang nari-realize ni Paolo Ballesteros na matagal na palang halos hindi siya natutulog.

Nagsimula ito nang gawin niya ang pelikulang Die Beautiful. Hindi nga kasi siya pumapalya araw-araw sa kalyeserye ng Eat Bulaga. At pagkatapos ng kanyang first starring movie, nasundan agad ito ng Amnesia Love with Yam Concepcion for Viva Films. Then ang halos magkasabay na shooting ng solo movie muli niyang Barbi: D’ Wonder Beki ng OctoArts Films, M-Zet Productions at T-Rex Entertainment, at ang first movie together nila ng mga lolang sina Nidora at Tinidora na ipalalabas nang Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies ng APT Entertainment at M-Zet Productions.

“Kaya kapag may shooting ako, natutulog na lang ako sa biyahe,” sabi ni Paolo. “Like dito sa Trip Ubusan, sa Batangas at Subic ang location namin, kaya mahaba ang biyahe. Kung minsan, kapag dumating ako ng bahay at talagang pagod na ako, itinutulog ko na rin na naka-make-up ako. Iyon pa namang dalawa kong movies, parehong kailangan ko ang mahabang oras sa pagmi-make-up. Wala namang gustong mag-make-up sa akin, natatakot sila, baka raw mali ang gawin nila at magalit ako sa kanila.

”Kaya nga ako naman ang nahihiya kay Tito Joey (de Leon) sa Barbi, dahil matagal na siyang tapos mag-make-up, hindi pa ako tapos lalo na kung iba-iba ang character na gagampanan ko sa eksena. Pero okey lang daw kay Tito Joey, naiintindihan niya ako. Kahit sina Kuya Jose as Lola Tinidora at si Kuya Wally as Lola Nidora, matagal na silang tapos mag-make-up, ako hindi pa. Nag-iisip na nga ako ng paraan para mapabilis ko ang pagmi-make-up ko, pero wala, depende kasi kung sino ang gagayahin ko.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Inspirasyon ba niya ang ipinatatayo niyang bahay para sa family niya?

Napangiting tumango si Paolo, totoo raw, lalo’t malapit nang matapos. Nakatayo sa 470 sq.m. lot somewhere in Quezon City ang three storey-house niya. Makakasama niya sa bahay na ito ang parents at mga kapatid niya. Ang second floor daw ay magiging receiving room nila at doon sila tatanggap ng mga bisita at ang third floor ay para sa kanila ng anak niyang si Keira na nandito na sa Pilipinas -- dahil bumalik na ito ang mommy nito, for good.

Bukas (Wednesday) na ang showing ng Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies in cinemas nationwide, directed by Mark Reyes. Sa November 29 naman ang showing ng Barbi: D’ Wonder Beki.

Mabigat ang kasabay niyang pelikula.

“Exciting!” sagot ni Paolo.

Pero sana raw ay pare-pareho silang kumita dahil tiyak namang masisiyahan ang mga manonood sa kanilang mga pelikula.

Samantala, may guesting si Paolo sa seryeng Born Beautiful na muling magtatampok kina Trisha (Paolo) at Barbs na gagampanan na ni Martin del Rosario at mapapanood sa Cignal Entertainment sa January, 2018. Ibig bang sabihin, bubuhayin ang character niyang si Trisha sa Die Beautiful?

“Abangan ninyo kung ano ang twist na gagawin ni Direk Jun Lana sa characters namin ni Martin sa story.” –Nora Calderon