Dinedma ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga panawagang magbitiw siya kasunod ng insidente ng pagkakalas ng bagon ng Metro Rail Transit (MRT) 3 kamakailan.

“Only the President can ask me to resign. Hindi lahat ng problema, na-a-address ng resignation,” ani Tugade nang hingan ng reaksiyon sa 116th anniversary celebration ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.

“I serve at the pleasure of the President and no one else,” dagdag niya.

Nauna rito, nanawagan sina Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao at Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ng pagbibitiw ni Tugade.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Noong Huwebes, nakalas ang isang bagon ng tren sa northbound section sa pagitan ng Ayala at Buendia stations. Nagresulta ito sa pagbaba ng mga pasahero at maglakad patungong Buendia Station.

Walang gaanong naging komento si Tugade nang kunan ng pahayag, sinabing hihintayin muna niyang matapos ang imbestigasyon.

Naniniwala naman si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi pa sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Tugade sa kabila ng mga reklamo sa mga problema sa trapiko sa Metro Manila at lumalalang problema sa MRT.

Katwiran ni Roque, ang problema sa MRT ay namana lamang sa nakaraang administrasyon at ginagawan na ng paraan ng pamahalaan.

Sa ngayon aniya ay inoobserbahan lamang ng Malacañang ang mga ginagawang hakbang ni Tugade at buo pa rin ang tiwala ng Pangulo rito. - Betheena Kae Unite at Beth Camia