Ni NORA CALDERON
AT 84, masaya pa ring kausap si Ms. Gloria Romero na tinagurian ding Queen of Philippine Movies noong panahon niya, malakas pa rin kahit almost 60 years nang nagtatrabaho sa showbiz.
Nakasama na niya ang lahat ng mahuhusay na mga artista at direktor, pero wala pa siyang balak na magretiro sa showbiz.
“As long as I can memorize my lines, tuloy pa rin ako sa pag-arte,” sabi ni Tita Glo, sa pictorial ng untitled new teleserye niya sa GMA Network. “Mas inspired pa ako ngayon nang malaman kong ang show namin na Daig Kayo ng Lola Ko na pambata ang theme ay mataas ang rating every Sunday. Hindi naman mahirap ang ginagawa ko roon dahil nagkukuwento lang ako, parang si Lola Basyang.”
Natuwa rin si Tita Glo nang kunin siya ni Coco Martin na mag-guest sa festival entry nitong Ang Panday sa coming Metro Manila Film Festival sa December.
“Hindi nga ako makapaniwala na kinukuha ako ni Coco. Bakit ako kukunin ay hindi naman niya ako kilala. Pero kinuha nga niya ako, kasama ko pa ang apo kong si Christopher. Ang galing magdirek ni Coco, may puso siya sa mga artista niya. Six days lang naman akong nag-shooting. Si Christopher, naiwanan ko pa dahil may mga eksena pa siyang kukunan with Jake Cuenca. Kaya nagpapasalamat ako kay Coco.”
Hindi sinabi ni Tita Glo kung ano ang role niya sa Ang Panday.
“Now, sa bago kong soap, natuwa ako na kasama ko rito si Carmina Villarroel. Twelve years old lamang siya nang magkasama kami sa Palibhasa Lalaki, twelve years din kaming nagkasama sa show, at ngayon lang kami muling magkakasama, may asawa at may mga teenage na siyang kambal. Anak ko si Carmina sa soap at anak niya si Bianca Umali, kaya apo ko siya, isang haciendera ako sa story.
“Ngayon ko rin lang muli makakasama si Marvin Agustin, nagkasama kami noon sa Love Ko Si Babes with Jolina Magdangal. Nakakatuwa kasi muli kong makakasama si Christopher de Leon at makakasama ko rin si Quezon City Congressman Alfred Vargas, then si Jean Garcia, Gardo Versoza.”
Ano ang pinagkakaabalahan niya kung wala siyang shooting?
“Since 1955, nasa New Manila pa rin ako, kapag wala akong work, iyon na ang time para naman ilabas ko ang mga laman ng cabinet ko at iyong hindi ko na kailangan ipinamimigay ko na. Like iyong mga dusters na sinuot ko sa Palibhasa Lalaki, ipinamigay ko na, dozens kasi iyon dahil twelve years ngang tumagal ang sitcom namin.”
Nagsimula na silang mag-taping at kahit daw naman malayo ang location nila, sa Leviste farm sa Lipa City, hindi naman mahirap pumunta at may cut-off na rin siya ng taping hours.
Si Don Michael Perez ang direktor ng serye na malapit nang ipalabas sa GMA-7.