Ni: Gilbert Espeña
TINIYAK ng tubong-Cebu at dating International Boxing Association (IBA) super flyweight champion Bruno Escalante na makababalik siya sa eksena ng professional boxing matapos talunin sa six-round unanimous decision ang beteranong Mexican na si Alex Rangel kamakalawa ng gabi sa Reno Sparks Convention Center, Reno, Nevada sa United States.
Matapos makalasap ng dalawang sunod na pagkatalo kina world rated Oscar Cantu ng Mexico noong 2015 at Amerikanong si Michael Ruiz Jr. noong 2016, mahigit isang taong hindi sumampa ng lona si Escalante hanggang alukin siya na harapin si Rangel.
“In junior bantamweight, Filipino-American Bruno Escalante won a six round unanimous decision over Alex Rangel,” ayon sa ulat ng BoxingScene.com. “The victory snapped a two-bout losing streak for the junior bantamweight Escalante.”
Napaganda ni Escalante ang kanyang rekord sa 15-3-1 na may 6 panalo sa knockouts samantalang dumausdos ang kartada ni Rangel sa 17-8-3 na may 11 pagwawagi sa knockouts.
Umaasa si Escalante na mabibigyan ng pagkakataong humarap sa isang world rated boxer para makapasok sa world ranking at magkaroon ng pagkakataon sa panibagng world title fight.