Napabayaang kandila ang sinasabing sanhi ng sunog sa isang residential area, na ikinasugat ng isang babae sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Kaagad nilapatan ng lunas bago dinala sa pagamutan si Cristina De Leon, nasa hustong gulang, sanhi ng tinamong sugat sa braso at paa matapos mabagsakan ng salamin ng bintana habang nagmamadaling makalabas sa nasusunog nilang bahay.
Sa ulat ni Pasay City Fire Department, Fire Marshal Supt. Carlos Duenas, nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Ricky Franco, na wala umanong kuryente, sa Barangay 179 sa Maricaban, dakong 7:40 ng gabi.
Mabilis na kumalat ang apoy at anim na bahay na pawang gawa sa light materials ang natupok.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog pasado 8:00 ng gabi, bago tuluyang naapula bandang 10:40 ng gabi.
Nabatid na nasa siyam na pamilya, kabilang ang sa biktimang si De Leon, ang nawalan ng tirahan at tinatayang aabot sa mahigit P300,000 ang halaga ng natupok na ari-arian. - Bella Gamotea