Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Nailigtas ng mga tauhan ng Joint Task Force Tawi-Tawi at ng Naval Task Group ng Naval Forces Western Mindanao (NavForWem) Command ang limang Pilipinong tripulante na dinukot sa karagatan ng Sulu mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), matagumpay na na-rescue ng mga awtoridad ang mga biktima sa karagatan ng Sugbay Island sa Languyan, Tawi-Tawi bandang 1:30 ng hapon nitong Biyernes.

Ang mga biktima ay tripulante ng Fishing Boat Danvil 8, na dinukot ng Abu Sayyaf Group noong Oktubre 14 malapit sa baybayin ng Barangay Poblacion Simbahan sa Pangutaran, Sulu.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinilala ang mga nailigtas na sina Vergel Arquino, taga-Davao City; Jushua Ybañez; Emo Fausto; Junald Minalang; at Spriano Sordid, pawang residente ng Pagadian City.

“The successful rescue was made possible due to the loose security of the captors,” sabi ni Brig. Gen. Custodio Parcon, Jr., commander ng Joint Task Force Tawi-tawi.

Sa kanyang report sa WestMinCom commander na si Rear Admiral Rene Medina, hepe ng NavForWem, sinabi ni Parcon na nakakita sila ng pagkakataong iligtas ang mga bihag habang tumatakas ang mga bandido sa patuloy na opensiba ng militar sa lugar.

Ayon kay AFP WestMinCom chief Lt. Gen. Carlito G Galvez, Jr., kaagad na sumailalim sa pagsusuring medikal ang mga biktima pagdating ng mga ito sa headquarters.