Dalawang tao ang hinahanap ngayon ng Philippine National Police (PNP) bilang posibleng kasabwat ng pangunahing suspek sa brutal na pagpatay at tangkang panununog sa isang 22-anyos na empleyado ng bangko sa Pasig City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde, sinabi sa kanila ni Randy Oavenada, 37, na may dalawa itong kainuman nang gabing pinatay si Mabel Cama.
Nobyembre 12 nang natagpuan ang bangkay ni Cama sa impounding area ng Mega Bus Line sa Ortigas Avenue sa Barangay Rosario, Pasig.“Actually, may dalawa siyang sinabi kanina—‘yung mga kaninuman niya that night. Nabanggit niya ‘yung dalawa kanina. Sila ay hindi napasama sa persons-of-interest,” sinabi ni Albayalde sa press conference kahapon sa himpilan ng Pasig City Police. “’Yung dalawa ay iimbitahan dito sa station.”
Sinabi ni Albayalde na paulit-ulit na itinanggi ni Oavenada na siya ang pumatay kay Cama, at iginiit na nagtatrabaho lamang siya bilang driver sa compound. Empleyado siya ng Timber Port Enterprises.
Ayon kayAlbayalde, hindi consistent ang mga pahayag ni Oavenada kaya naman pinagdududahan ng pulisya ang kredibilidad nito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Supt. Isidro Carino, hepe ng Eastern Police District (EPD) Crime Laboratory, na may malinaw na mga senyales na seksuwal na inabuso si Cama “because of the contusions discovered in her genital.”
Gayunman, dahil sinunog ang ari ng biktika at nagnegatibo ito sa semilya.
Sinabi pa ni Carino na posibleng walang malay si Cama nang abusuhin at patayin ito, dahil walang senyales na nanlaban ang dalaga.
Aniya, binawian ng buhay si Cama dahil sa tinamong traumatic injuries sa ulo dulot ng “a blunt instrument.”
Hindi na isinasangkot sa kaso ang apat na lalaki na unang ikonsidera na persons-of-interest sa kaso, ayon kay Carino. Paliwanag niya, bukod sa nagnegatibo ang mga ito sa drug test ay wala ring fingerprints ng mga ito na natagpuan sa crime scene.
Samantala, itinaas na sa P300,000 ang pabuya sa makapagtuturo sa suspek sa krimen makaraang dagdagan ni Pasig Mayor Robert Eusebio ng P200,000 ang P50,000 ni Paracale, Camarines Norte Mayor Lourdes Villamonte, at P50,000 ng hindi pinangalanang negosyante. - Jel Santos