Ni MARY ANN SANTIAGO

Natimbog na ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa isang bank employee sa Pasig City nitong Nobyembre 12.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula ang inaresto na si Randy Oavenada, nasa hustong gulang, at residente ng Ortigas Avenue Extension Compound sa Barangay Rosario, Pasig City.

Ayon kay Pasig City Police chief, Supt. Orlando Yebra, isa si Oavenada sa limang person-of-interest sa kaso ng pagpatay kay Mabel Cama, 22, bank employee.

National

65% ng mga Pinoy, umaasang magiging masaya ang Pasko

Inaresto ang suspek matapos na ito lamang sa lima ang magpositibo sa paggamit ng ilegal na droga, bukod pa sa nag-match ang fingerprints ni Oavenada sa fingerprints na nakuha sa katawan at sa cell phone na narekober sa tabi ng bangkay ni Cama.

Nakapiit na ngayon si Oavenada sa Pasig City Police at isasailalim sa inquest proceedings sa Pasig City Prosecutors’ Office ngayong Lunes.

Kaugnay nito, sinabi ni Yebra na sa ngayon ay hinihintay pa ng Pasig Police ang resulta ng crime laboratory sa iba pang natukoy nilang persons-of-interest.

Nobyembre 12 ng umaga nang natagpuan ang hubad na bangkay ni Cama sa isang abandonadong gusali, na nasa loob ng dating impounding area ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), may ilang metro lamang ang layo mula sa bahay nito sa Ortigas Avenue Extension sa Bgy. Rosario.

Hindi pa rin makumpirma kung hinalay si Cama, na tinangka ring sunugin ang pang-ibabang bahagi ng katawan, partikular ang kanyang ari.