Naaagnas na ang bangkay ng isang lola nang madiskubre sa loob ng kanyang bahay, kung saan matagal nang mag-isa lang siyang namumuhay, sa Tondo, Maynila, Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Yolanda Mendoza, 60, ng Tirso Cruz Street, kanto ng Callejon Street sa Gagalangin.

Batay sa ulat ni SPO2 Mario Asilo, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 8:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima, na naaagnas na.

Huli umanong nakitang buhay ang matanda noong nakaraang linggo habang mag-isang kumakain sa isang karinderya.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Sabado nang nabahala ang mga kapitbahay sa masangsang na amoy na nagmumula sa bahay ng matanda, kaya kaagad nila itong ipinaalam sa bayaw ni Mendoza na si Leopoldo Santos Jr., 68, taga-Callejon, hanggang madiskubre ang bangkay ng biktima.

Ayon kay Santos, 15 taon nang mag-isang naninirahan sa kanyang bahay si Mendoza, na dumadanas ng hindi tinukoy na karamdaman. - Mary Ann Santiago