Ipade-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na Amerika na inirereklamo ng mga residente at negosyante sa Ermita, Maynila dahil sa panggugulo at laging pagsisimula ng away.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang dayuhan na si Victor Didenko, 47, na dinampot ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit ng kawanihan sa panulukan ng M.H. Del Pilar at Salas Streets sa Ermita.
Sinabi ni Morente na nakakulong ngayon si Didenko sa ward facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City at inihahanda na ang deportasyon nito dahil sa pagiging “undesirable, overstaying at undocumented”.
“Aside from being a notorious troublemaker, he will be deported for holding an expired US passport and overstaying his tourist visa,” ani Morente.
Matagal na umanong inirereklamo ang dayuhan, na pagala-gala sa Maynila at Pasay City, at namamalimos din sa mga estranghero.
Nabatid na una nang kinasuhan ang dayuhan noong Hulyo 2017 sa isang korte sa Manila dahil sa paglabag sa isang ordinansa, makaraang magwala sa Mabini Street at magbitaw ng mga mapang-insultong komento laban sa mga Pinoy, bago nag-amok.
Setyembre 2016 nang dumating sa Pilipinas si Didenko, at simula noon ay hindi na ipina-extend ang kanyang tourist visa. - Mina Navarro