HINIHIKAYAT ng grupong pangkalikasan na Clean Air Philippines Movement, Inc. si United States President Donald Trump na pag-isipang muli ang kanyang paninindigan hinggil sa global warming.
Sinabi ng lokal na grupo na ang Pilipinas, na matagal nang kaalyado ng Amerika, ang pinakaapektado ng climate change.
“We seek your compassionate heart for you to see the clear and present danger that continuously threatens all Filipinos due to global warming and climate change,” lahad ng Clean Air Philippines Movement, Inc. chairman na si Michael Aragon.
Ayon kay Aragon, matagal nang magkaibigan ang Amerika at ang Pilipinas at si Trump ay kaibigan ng mga Pilipino, na kalaunan ay pangunahing maaapektuhan ng climate change.
“The policies and decisions of the leader of the most powerful country in the world also affect us here in the Philippines,” ani Aragon.
Idinagdag ni Aragon na mababang porsiyento lamang ang inilalabas na carbon ng bansa kumpara sa mayayamang bansa, ngunit mas naaapektuhan ang Pilipinas sa mga pagbabagong dulot ng climate change.
“The Philippines’ minor contribution to the total global footprint is only 0.3 percent or less than one percent vis-a-vis the major carbon footprint contributions of the first world countries, yet when fatal disasters strike due to global warming and climate change, it is the Filipinos who suffers most,” giit ni Aragon. Ipinakita ng grupo ang iba’t ibang pag-aaral na tumutukoy sa Pilipinas bilang pangunahing naaapektuhan sa pagbabago ng klima.
Nananatiling hindi lumalagda ang Amerika sa Paris climate agreement.
Ngayong Nobyembre, nilagdaan na ng Syria ang kasunduan, kaya mayroon na itong kabuuang 197 lagda.
Layunin ng legally-binding Paris climate deal ang limitahan ang temperatura ng mundo sa mas mababa sa 2°C at panatilihin ang pagtaas nito sa 1.5°C, sa pamamagitan ng pagbabawas ng inilalabas na greenhouse gas. - PNA