SETYEMBRE 13 nang inihain ang reklamong impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng abogadong si Lorenzo Gadon at inendorso ng 25 mambabatas. Oktubre 5 nang pinagtibay ito ng House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Rep. Reynaldo Umali, bilang balidong reklamo sa botong 30-4.
Matapos na ipagpatuloy ng Kamara de Representantes ang sesyon nito ngayong Lunes, Nobyembre 20, pagkaraan ng bakasyon nitong Undas, magpupulong ang komite upang magbotohan kung may sapat na dahilan ang nasabing reklamo. Sakaling pumasa ito sa huling pagsalang sa komite, pagbobotohan na ng buong Kamara kung patatalsikin sa puwesto o hindi si Chief Justice Sereno. Sakaling aprubahan ito ng Kamara, didiretso na ang kaso sa Senado para litisin.
Sa nakalipas na mga linggo, nasubaybayan natin sa mga balita ang mga pagsisikap na mapagbitiw sa tungkulin si Chief Justice Sereno, ang huli ay nagmula sa bagong tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque—“if only to spare the institution (Korte Suprema) from further damage”, aniya. Ito rin ang paninindigan ni Pangulong Duterte, subalit hindi ito nangangahulugan na nakikialam ang Ehekutibo sa Hudikatura, ayon kay Roque.
Bilang tugon, sinabi ng abogadong si Carlo Cruz, tagapagsalita ni Chief Justice Sereno, na walang planong magbitiw sa tungkulin ang Punong Mahistrado. Haharapin ni Sereno ang impeachment sa Kongreso, ayon kay Cruz.
May apat na pangunahing bahagi ang reklamo—ang umano’y kabiguan niyang ideklara ang P37-milyon professional fee na kanyang natanggap nang mag-abogado siya para sa gobyerno sa kaso ng PIATCO ilang taon na ang nakalilipas, ang sinasabing labis niyang paggastos sa pondo ng hudikatura, ang umano’y ipinag-utos niyang buksang muli ang isang regional office sa Cebu nang walang pahintulot ng buong Korte, at ang sinasabing kawalang aksiyon niya sa mga aplikasyon para sa benepisyo ng mga asawa ng mga retiradong mahistrado at hukom.
Aalamin ng impeachment trial ang katotohanan sa likod ng mga akusasyong ito at tutukuyin kung may sapat na dahilan ang mga ito, alinsunod sa batas, upang patalsikin sa puwesto ang Punong Mahistrado, gaya ng “culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.”
Sa harap ng determinadong pagtanggi ni Chief Justice Sereno na magbitiw sa tungkulin, sinabi ni Presidential Spokesman Roque, “That’s fine… let the constitutional process continue.” Ito ang pinakatamang gawin sa ngayon. Hayaan ang Kongreso na gawin ang tungkulin nito nang walang pressure, sinasadya man o hindi, mula sa alinmang panig.
Huwag na nating ipanawagan ang pagbibitiw sa tungkulin sa anumang dahilan. Ang impeachment at isang prosesong pulitikal at kumpiyansa tayong alam ng ating mga kongresista at senador ang kanilang gagawin, nang hindi inuudyukan ng iba pang opisyal. Hayaan na lamang na umusad ang proseso.