Ni ADOR SALUTA
Kinumpirma ni Ellen Adarna sa ilang malalapit na kaibigan na buntis nga siya at si John Lloyd Cruz ang ama.
Sa dalawang okasyon ay naringgan ang 29-anyos na Kapamilya talent na nagsabing buntis siya.
Sinabi raw ni Ellen na maselan ang kanyang pagbubuntis.
Ayon naman sa impormasyong natanggap ng PEP, ito raw ang dahilan kung bakit hindi na pinahaba pa nina John Lloyd at Ellen ang bakasyon nila sa Europe.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit, bagamat inaabangan si Ellen ng publiko, hindi ito nakasama sa mga artistang rumampa sa Under The Stars, ang Bench denim and underwear fashion show na ginanap sa MOA Arena nitong Sabado ng gabi.
Determinado naman daw sina Ellen at John Lloyd na alagaan ang pagbubuntis ng sexy star.
Ngayong 2017 nagsimulang pumutok ang nababalitang relasyon ni Ellen sa 34-anyos na Kapamilya actor.
Kumalat sa social media ang mga larawan nila na kuha sa iba’t ibang lugar.
Lalong uminit ang paniniwalang may namamagitan sa dalawa nang lumabas ang mga larawan at video na kuha sa kanilang bakasyon sa Bantayan Island, sa Cebu, noong Setyembre.