Ni: Clemen Bautista

MALAKING problema ngayon ang makapal na water lilies sa Laguna de Bay, na nakaharang sa baybayin ng Cardona, Rizal at sa Talim Island sa bahaging sakop ng Cardona. Ang pagkapal at pagdami ng water lily ay nagsimula nang sumimoy ang hanging Amihan noong huling linggo ng Oktubre. Dahil sa makakapal na water lily sa baybayin ng Cardona, apektado na ang hanap-buhay ng mga mangingisda, ng mga may-ari ng mga fishpen at fish cage sapagkat hindi sila makapunta sa laot ng Laguna de Bay.

Ang makakapal na water lily sa Laguna de Bay ay tangay ng tubig-baha mula sa iba’t ibang ilog sa Rizal, sa Manggahan Floodway, ilog-Pasig at iba pang tributary sa paligid ng lawa. Tuwing tag-ulan at panahon ng pagsimoy ng Habagat, ang makakapal na water lily ay natatangay ng hangin at inaagos sa lawa sa mga baybayin ng Laguna de Bay sa Morong, Tanay, Pililla, at Jalajala. Nananatili ang makakapal na water lily sa buong panahon ng tag-ulan. Hindi naman gaanong problema sa nasabing mga bayan sapagkat ang mga mangingisda ay karaniwang nagsisimula sa mga pantalan patungo ng laot ng Laguna de Bay upang makapangisda. Sumalok ng mga isda ang mga may-ari ng mga fishpen at fish cage.

Ang problema sa water lily sa Laguna de Bay ay nag-uumpisa sa pagsimoy ng hanging Amihan sa huling linggo ng Oktubre.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Malamig ang hatid na simoy ng Amihan. Unti-unti nang tinatangay ang mga water lily.

Sa nakalipas na panahon, batay sa karanasan ng mga mangingisda sa Rizal at ng inyong lingkod na naghanap-buhay sa lawa sa pamamagitan ng pagkahig ng mga suso na pagkain ng inaalagaan naming mga itik, hindi naging problema ang makapal na water lily sapagkat pumapasok sa Laguna de Bay ang tubig-alat na mula sa ilog-Pasig. Dahil sa tubig-alat, namamatay ang mga water lily. Lumilinaw ang tubig sa lawa at dumarami ang mga isda sapagkat maraming nakakaing plankton. Nagiging panahon din ng love making at pangingitlog ng mga isda.

Tumutubo rin sa baybayin ng lawa ang mga halamang sintas at digman na tirahan at pinamumugaran ng mga hipon. Nahuhuli ang mga hipon sa pamamagitan ng sakag. Ipinagbibili sa mga may alagang itik na kanilang inihahalo sa sapal ng niyog at darak. Bukod pa ang suso na nakakahig din sa Laguna de Bay. Ang mga suso ang nagpapatigas ng balat ng itlog ng mga itik. Tuwing hapon hanggang gabi, umaagos ang tubig-alat patungo sa Laguna de Bay. At kapag sumisikat na ang araw kinabukasan, ang agos ng tubig mula sa Laguna de Bay ay papasok naman sa ilog-Pasig. Ang pagpasok ng tubig-alat sa Laguna de Bay ay natigil mula nang itayo ang Napindan channel sa bukana ng ilog Pasig sa Bgy. Napindan. Bunga nito, lumabo ang tubig sa Laguna de Bay.

Dahil sa makapal na water lily na nakaapekto sa paghahanap-buhay ng mga taga-Cardona sa Laguna de Bay, inilagay na state of calamity ang Cardona mula noong Nobyembre 6, 2017. Ayon kay Cardona Mayor Benny San Juan, Jr., binibigyan na ng tulong ang mga mangingisda na hindi makapaghanap-buhay sa lawa. At upang makaraan ang malalaking bangkang de motor at ang bangka ng mga mangingisda patungo sa lawa, binomba ng kemikal ang mga water lily upang mamamatay.

Sa pagkapal ng water lilies, nangako ng tulong si LLDA General Manager Jaime Medina. Bibili ng makina na magagamit sa pagsugpo at pagpigil sa pagdami ng mga water lily sa lawa. Nagpunta si LLDA General Manager Medina sa Cardona, Rizal at nakipag-usap kay Mayor Benny San Juan, Jr. Tinalakay ang mga solusyon sa problema.