Ni: Marivic Awitan

NAGBIGAY ng kanilang suporta ang Rebisco sa premier girls’ league ng bansa nang pumayag maging pangunahing tagapagtaguyod ng 18-and-under Rebisco Volleyball League na magsisimula bukas sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Laguna.

Kabuuang 12 koponan na kinabibilangan ng mga top high school squads sa bansa ang kalahok sa torneong dating kilala bilang Shakey’s Girls Volley kung saan nagsimula sina Alyssa Valdez, Jaja Santiago at Jasmine Nabor.

Layunin ng Rebisco, ang isa sa nangungunang snack-food company na magpatuloy ang pagpapaunlad ng talento at pagtuklas sa mga bagong volleyball stars.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binubuo ng many-time champion Hope Christian High School, Nazareth School of National University at Far Eastern University-Diliman ang mga kalahok mula sa National Capital Region habang ang De La Salle-Lipa, Holy Rosary College of Sta. Rosa at Holy Family Academy of Pampanga naman ang kakatawan sa Luzon.

Magsisilbi namang kinatawan ng Visayas ang Bacolod Tay Tung High School , University of San Jose Recoletos at Leyte National High School habang ang Cagayan de Oro’s Angelicum Learning Center, Koronadal National Comprehensive High School at University of Mindanao-Tagum ang kakatawan sa Mindanao sa event na inorganisa ng Metropolitan Sports and Events Group, Inc.na pinamumunuan ni Freddie Infante.

Hahatiin sa dalawang grupo ang mga kalahok kung saan ang top two teams sa magkabilang grupo matapos ang single round eliminations ay uusad sa crossover semifinals kung saan ang magwawagi ang magtutuos sa finals.

“The RVL hopes to provide a competitive venue for high school players to showcase their talent and skills in line with Rebisco’s vision as the main driving force behind Philippine volleyball,” pahayag ni Infante.