Ni: Reggee Bonoan

IKALAWANG pelikula na ni Paolo Ballesteros ang Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies na bading ang karakter niya bilang si Lola Tidora kaya tinanong siya kung walang sawa factor ang pagganap niya bilang gay.

Mariel copy copy

“’Wag naman sana kasi hindi naman ako lagi napapanood sa pelikulang bading ako, di ba? Sa Die Beautiful naman ‘yung una. So, sana ‘wag naman,” sabi ng aktor sa presscon ng pelikula nila nina Wally Bayola at Jose Manalo na idinirihe ni Mark Reyes mula sa APT Entertainment at M-Zet Productions.

Human-Interest

Netizens nanimbang sa nakaambang buwis sa freelancers, digital workers

Kampante nang gumanap bilang bading sa pelikula o telebisyon si Paolo pero may gusto pa siyang gawin bukod sa mga ipinapakita niya ngayon.

“Gusto ko kasi ‘yung ibang transformation pa rin, hindi lang ‘yung ginagaya ko ang mga itsura ng sikat na celebrities o ‘yung Paolo na napapanood araw-araw.

“Gusto ko naiiba na ‘yung pagkatao like nakakalbo, paiitimin ka, ‘yung hindi ka na makikilala talaga. Ganu’ng tipo naman sana,” sabi ni Paolo.

At sa lahat ng sikat na personalidad na ginaya niya ang itsura sa pamamagitan ng make-up transformation, hinangaan siya nang husto nu’ng gayahin niya si Wonder Woman o Gal Gadot dahil ini-retweet pa iyon ng Hollywood actress.

“Ginawa ko ‘yun for a project, hindi naman ‘yun ginagawa na usual sa bahay, kaya nagulat ako nu’ng ‘pinost niya, sabi ko, ‘Wow, Wonder Woman ‘to,” masayang sabi ng aktor.

Open din ba si Paolo sa seryosong kissing scene sa isa sa future project niya?

“Sinong ka-kiss? Joke lang, depende sa script o istorya. Ayoko namang ibigay ang all out ko ‘tapos wala lang.

Siyempre lahat ng bagay na gagawin mo ay alam mong may sense.”

Anyway, dahil hindi naiuwi ni Mariel de Leon ang titulong Miss International 2017 ay kaliwa’t kanan ang pamba-bash sa dalaga at isa si Paolo sa mga nagtatanggol dito.

“Kay Mariel, ang hirap kasi na sumali sa isang beaucon,” depensa ni Paolo sa anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong, “kaya marami sa ating mga Pilipina ang ayaw sumali talaga dahil takot. Una, maba-bash sila. Takot na takot na makita ng ibang tao ang mga kamalian, na hindi naman dapat ganu’n. Kaya nga may mga judges, sila yung dapat magpuna. Kumbaga, tayo, supporters tayo, hindi tayo ang mga judge.”

“Hindi naman natin kilala nang personal ‘yung kandidata natin, nakiki-hey lang tayo, suportahan na lang natin kung anuman ang ginawa nila. Kung gusto n’yo, eh, ‘di kayo na lang sumali.

“Kung meron man kayong galit du’n sa tao, eh, sarilinin n’yo na lang. Hindi naman makakatulong kung ipapakalat mo ‘yung hate mo, ‘yung nasa isip mo. Hindi ka nagmumukhang smart.

“Ni-represent na nga nu’ng tao ang Pilipinas, ‘tapos ganu’n pa ang mababasa. Parang ang hirap naman ng ginawa niya.

Hindi naman madali yung kalabanin mo ‘yung buong mundo, di ba? ‘Tapos iba-bash ka pa.

“Kaya nga ‘yun ang sinabi ko na na maraming Pilipina ang nagsi-second thought na sumali, kasi nga, tayong mga Pilipino, ang galing-galing nating mag-judge.”

Maraming supporters si Presidente Rodrigo Duterte na nagalit nang punahin ni Mariel ang Pangulo at ngayon ay tinawag na ‘Mariel Karma’ ang dalaga.

“Ang masasabi ko lang sa mga namba-bash, eh, sana ay di rin sila makarma. ‘Yung pagtawag pa lang nila na Miss Mariel Karma ay masamang gawain na ‘yun, di ba?

“Alam naman pala nila ‘yung ibig sabihin ng karma na, ‘What goes around, comes around,’ eh. Sana, huwag namang mangyari sa kanila. Huwag na tayong maging sobrang judgmental o mag-isip nang hindi maganda sa kapwa,” pagtatapos ng aktor.