Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Nilinaw ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi pa pinal ang pagkakasama nina Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. at Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa senatorial slate ng kanilang partido para sa 2019 mid-term elections.

Secretary Uson copy copy

“No party decision yet,” sinabi ni Pimentel, presidente ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang reaksiyon sa pagkakasama ng dalawang kilalang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa “Magic 12” ng kanilang partido.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ito ay bilang paglilinaw sa inihayag ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez sa mass oath-taking ng mga bagong kasapi ng PDP-Laban sa Cebu na kabilang sina Roque at Uson sa mga pambato sa pagkasenador ng partido sa halalan sa 2019.

‘SPEAKER’S NOMINEES’

Si Alvarez ang secretary-general ng PDP-Laban at magsisilbing campaign manager ng partido sa eleksiyon, ayon kay Pimentel.

Subalit sa isang text message, nilinaw ng Senate president: “You can consider them as (the) Speaker’s nominees.”

Noong nakaraang buwan lamang ay ibinunyag ni Pimentel ang pangalan ng ilan sa mga posibleng pambato ng partido sa pagkasenador sa mid-term polls.

Sinabi ni Pimentel na ikinokonsidera rin ng PDP-Laban sina House Majority Leader Rodolfo Fariñas, Bataan Rep. Geraldine Roman, Negros Occidental Rep. Alfredo Abelardo Benitez, Davao City Rep. Karlo Nograles, at dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, upang maging bahagi ng Magic 12.

Nabanggit din ni Alvarez ang mga nasabing pangalan sa oath-taking sa Cebu nitong Biyernes, na tinawag ni Pimentel na “good list”.

Gayunman, nilinaw ni Pimentel na “[they] have to” involve ang lahat ng kasapi ng PDP-Laban, kabilang na ang chairman nilang si Pangulong Duterte, sa pagdedesisyon sa pinal na listahan ng mga kakandidatong senador para sa partido.

Sakaling makumpirma ang sina Roque at Uson, sinabi ni Pimentel—na una nang nagsabing muli siyang kakandidatong senador sa 2019—na ang senatorial slate ng PDP-Laban ay magiging “mix of old and new faces”.

Aniya, ihahayag ng partido ang pinal na listahan ng senatoriables nito “in due time”, bago ang deadline sa paghahain ng certificates of candidacy para sa 2019 elections.

‘DI PAPAYAGAN SI MOCHA

Samantala, bagamat milyun-milyon ang tagasuporta, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na posibleng hindi payagan ni Pangulong Duterte na kumandidatong senador si Uson.

“Sinabi na ng ating mahal na Pangulo nung last year pa na mga Cabinet officials ay hindi niya papatakbuhin sa Senado at ayaw niyang ginagamit ‘yung departamento namin o ‘yung kanya-kanyang departamento as a jumping board to enter politics,” sinabi ni Andanar nang kapanayamin sa Radyo Pilipinas kahapon.

“I congratulate Mocha for… malaki ang followers niya, eh. So siguro sabihin mo na lang, ‘yung 5 million [followers] na lang, eh, boboto at may mga kamag-anak naman ‘yan, ‘di ba? So, malaki ‘yung chance [na manalo siya],” sabi pa ni Andanar. “Kung winability lang ang pag-usapan or ‘yung the possibility of winning ay talagang no-brainer na si Mocha, she can really draw the crowd.”

ROQUE, NOON PA INENDORSO

Tungkol naman kay Roque, sinabi ni Andanar na una nang inihayag at inendorso ng Pangulo na kabilang ang bago nitong tagapagsalita sa mga kakandidatong senador sa 2019.

“Well, iba naman ‘yung kay Secretary Roque. Nung ipinakilala po si Secretary Roque, I think it was in Bacolod or in Iloilo, na sinabi ni Presidente na kasama siya sa senatorial slate niya. So, Secretary Roque is an exception to the rule,” paliwanag ni Andanar.

Kasunod ng pahayag ni Alvarez nitong Biyernes, parehong sinabi nina Uson at Roque na wala pa silang planong pulitikal sa ngayon.