Ni ALI G. MACABALANG

MARAWI CITY – Bagamat matagal nang nagwakas ang limang-buwang bakbakan ng tropa ng gobyerno at mga terorista sa Marawi City, ang bangungot na ito ay nagmistulang mantsa na hindi na maaalis para sa mga inosenteng pamilya ng mga negosyante sa bansa na may apelyidong Maute.

Isa sa mga hindi naisapubliko ang kuwento ni Yasser Maute, kilalang negosyante mula sa Mulondo, Lanao del Sur, na matapos arestuhin at imbestigahan ay kinumpirma ng militar at pulis na walang kinalaman at walang anumang kaugnayan sa pamilya ng magkapatid na teroristang Omar at Abdullah Maute ng bayan ng Butig.

“He (Yasser) was released after days of interrogation and verification by authorities. Apart from the humiliation in his mere arrest, he is concerned now about his business crippled in the aftermath of the Marawi war,” sinabi ng manunulat na Maranao na si Moh Saaduddin sa Balita.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ilang taon nang nagbebenta ng mga alahas, hindi na makapagbiyahe ngayon palabas ng bansa si Yasser dahil mahigpit ang immigration authorities sa mga may apelyidong Maute.

Sinabi rin ni Yasser na ninakawan ang kanyang bahay sa Marawi na inabandona ng kanilang pamilya sa mga unang oras ng bakbakan sa siyudad noong Mayo 23, ayon kay Saaduddin.

Una nang naiulat sa Metro Manila ang diskriminasyon sa mga Maranao na may apelyidong Maute, nang ilang estudyante at negosyante ang nagreklamo ng pambu-bully sa kanilang lugar.

Noong Hunyo, kinumpirma ng mga opisyal ng pulisya sa Pasig City, San Juan City, at Marikina City na nagpadala sila ng mga imbestigador sa mga eskuwelahan at establisimyento ng 20 taong may apelyidong Maute at pinagsabihan ang mga inireklamo laban sa pambu-bully.

Iginiit sa pulisya ng 20 Maute na hindi nila kamag-anak ang mga Maute ng Butig dahil sila ay pawang tubong Mulondo—na kinumpirma naman ng mga Maranao genealogist.