Ni: Lyka Manalo

LEMERY, Batangas - Nagbitiw bilang pangulo ng League of Municipalities (LMP)-Batangas si Lemery Mayor Eulalio ‘Larry’ Alilio kaugnay ng pagkakasama niya sa listahan ng National Police Commission (Napolcom) ng mga alkalde na umano’y sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

Batay sa resolution order ng Napolcom, kabilang si Alilio sa mga alkalde na inalisan ng supervision at kontrol sa lokal na pulisya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa droga.

“Ako po ay nagsumite ng resignation para magkaroon po ng patas na imbestigasyon at nananawagan ako sa ating pamahalaan na i-revalidate, baka naman po ito ay may halong pulitika,” maluha-luhang pahayag ni Alilio sa mga mamamahayag sa harap ng mga barangay chairman ng Lemery at kanyang mga tagasuporta.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Nagbitiw din si Alilio bilang member ng Executive Commitee ng LMP national, bilang co-chairman ng Peace and Order Council, at sa lahat ng kanyang regional at provincial appointments.

Naniniwala si Alilio na ang pinagbasehan ng intelligence report ay ang resolusyong ipinasa sa Sangguniang Bayan noong Mayo 2016 na humihiling sa noon ay bagong halal na si Pangulong Duterte na bigyang-pansin ang umano’y operasyon ng ilegal na droga sa Lemery.

Ayon kay Alilio, ito ay aksiyon ng kanyang mga nakalaban sa pulitika, at iginiit na simula nang maupo siya sa puwesto ay tuluy-tuloy niyang sinusuportahan ang Lemery Police sa pagsugpo sa ilegal na droga—kaya naman 45 sa 46 na barangay sa kanyang bayan ay drug-cleared na ng pulisya.