Golden State Warriors' Stephen Curry, top, shoots as Philadelphia 76ers' Joel Embiid, of Cameroon, bottom, defends during the second half of an NBA basketball game Saturday, Nov. 18, 2017, in Philadelphia. The Warriors won 124-116. (AP Photo/Chris Szagola)

PHILADELPHIA (AP) — Bumalikwas mula sa malamyang simula ang Golden State Warriors para tunawin ang 22 puntos na bentahe ng Philadelphia Sixers sa first half tungo sa 124-116 panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nagsalansan sina Stephen Curry ng 35 puntos at Kevin Durant na may 27 puntos, tampok ang mainit na opensa sa third period para maitarak ang come-from-behind na panalo sa matikas, ngunit bata pang koponan na 76ers.

Nanguna si Joel Embiid sa host sa naiskor na 21 puntos, habang kumubra si Ben Simmons ng 23 puntos at 12 assists sa Philadelphia, tumabo sa 47-28 sa unang period at 74-52 sa halftime.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ngunit, lumabas ang pusong kampeon ng Warriors sa third period nang unti-unting tapyasin ang bentahe ng karibal. Naisalpak ni Curry ang three-pointer para maidikit ang Warriors sa isang puntos na agwat. Sinundan niya ito ng dalawang free throw para maagaw ang bentahe sa 90-89.

Muling tumipa ang two-time MVP ng three-pointer at nalusutan ni Draymond Green ang depensa ng Sixers para sa isang dunk at makabante ang Golden State sa 99-89 tungo sa final period.

Nanahimik ang sellout crowd na walang awat sa hiyawan ng “Trust the Process” sa unang bahagi ng laro nang magsimulang pumuntos ang Warriors at mistulang magsagawa ng shooting clinics sa second half.

Nag-ambag ang beteranong si David West ng 14 puntos, habang kumasa si Klay Thompson ng 16 puntos.

CELTICS 110, HAWKS 99

Sa Atlanta, hataw si Kyrie Irving ng 30 puntos at tumipa si Jaylen Brown ng career-high 27 puntos para hilahin ang winning streak ng Boston Celtics sa 15-0.

Tangan ang 15-2 karta, nangunguna ang Boston sa standings at napantayan ang best start sa kasaysayan ng prangkisa. Ang kasalukuyan streak ay ikalima sa pinakamahabang winning run ng Boston –apat na panalo ang layo sa naitala ang koponan noong 2008-09 season.

Nanguna si Dennis Schroder sa Hawks sa naiskor na 23 puntos, habang tumipa si Kent Bazemore ng 19 puntos sa Atlanta (3-13).

Nag-ambag sina Marcus Morris at rookie Jayson Tatum sa Boston na may tig-14 puntos.

ROCKETS 105, GRIZZLIES 83

Sa Memphis, Tennessee, sumambulat ang opensa ng Rockets sa kaagahan ng laro tungo sa dominanteng panalo.

Ratsada si James Harden sa naiskor na 29 puntos, habang kumubra si Clint Capela ng 17 puntos at 13 rebounds at kumana si guard Chris Paul ng 17 puntos at anim na assists.

Nakamit ng Memphis ang ikaapat na sunod na kabiguan. Nanguna si Chandler Parsons na may 17 puntos at kumasa sina Marc Gasol at JaMychal Green ng tig-15 puntos.

BLAZERS 102, KINGS 90

Sa Portland, Oregon, naglagablab ang outside shooting nina C.J. McCollum at Damian Lillard tungo sa 25 at 22 puntos, para paluhurin ang Sacramento Kings.

Naisalpak ni McCollum ang apat na three-pointers para sa 9 of 16 para maiganti ang nalasap na 86-82 road loss sa Kings nitong Biyernes.

Nanguna sa Kings si Willie Cauley-Stein na may 18 puntos at siyam na rebounds, habang tumipa si Zach Randolph ng 17 puntos.

Sa iba pang laro, pinataob ng Dallas Mavericks, sa pangunguna ni Wesley Matthews na tumipa ng season-high 22 puntos, ang Milwaukee Bucks; dinurog ng Utah Jazz ang Orlando Magic, 125-85.