Ni Aaron B. Recuenco

Uunahin muna ng Philippine National Police (PNP) ang pagbili ng mga body camera bago ipagpatuloy ang mga operasyon laban sa mga tulak at adik sa bansa.

Inihayag ni PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na ang body camera ang magiging pangunahing pagbabago sa giyera kontra droga kung muling ibalik ni Pangulong Duterte sa pulisya ang pagpapatupad dito.

“We will push for the procurement of body cameras and issue them to our anti-drugs operatives so that if they conduct buy-bust, it would be transparent,” ani dela Rosa.

2 dambuhalang sawa, nahuli sa kisame ng magkaibang bahay, 1 sa kanila, nakalunok ng tuta!

Matatandaan na inalis na sa pamamahala ng PNP ang drug war kasunod ng kidnap-slay ng mga anti-drugs operative sa South Korean business executive na si Jee Ick-Joo at sunud-sunod na pagpatay ng ilang pulis-Caloocan sa mga menor de edad.

Nakatanggap din ng puna ang PNP dahil sa umano’y kuwestiyonableng operasyon nito kontra droga na nagresulta sa pagkamatay ng halos 4,000 drug suspect na iginiit nitong pawang nanlaban.

Dahil dito, nagmungkahi ang mga mambabatas na pagsuotin ng body camera ang mga pulis habang nagsasagawa ng anti-drug operation para sa transparency.

Ngunit walang garantiya ito, dahil ayon sa mga kritiko, pinuputol umano ng pulisya ang mga CCTV connection—gaya ng kaso sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, nang alisin ang CCTV hard drive sa loob ng selda, na nangyari rin sa pagsalakay sa bahay ng mga Parojinog sa Ozamiz City, kung saan naputol din ang CCTV connection bago pa ang operasyon, na pumatay sa 15 katao.

Sinabi ni Dela Rosa na igigiit niya ang pagbili sa mga body camera, kung sila ay uutusang bumalik sa kampanya kontra droga dahil ito ang pinakamabuting paraan para malaman ang katotohanan.

“We are ready, we are always ready,” saad ni dela Rosa nang tanungin tungkol sa kanilang kahandaan kapag muling pinasabak sa drug war.