Ni: Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, ang Nobyembre ay National Children’s Month, at sa taong ito, ang pagdiriwang ay may temang “Bata, Iligtas sa Droga”.

Napapanahon ang temang ito dahil sa malaking bilang ng kabataang nalululong sa ipinagbabawal na gamot. Subalit sa halip na tulungan silang makapagbagong-buhay, ilan sa kanila ay pinapatay. Mula nang paigtingin ng pamahalaan ang kampanya kontra droga simula noong manungkulan si Pangulong Duterte, hindi bababa sa 50 menor de edad ang napatay sa mga operasyon ng pulis.

Sa datos ng Women and Children’s Protection Desk ng Philippine National Police, mahigit 26,000 batang gumagamit o sangkot sa ilegal na droga ang sumuko. Ngunit marami sa mga ito ang minsan lamang gumamit ng droga at hindi naman maituturing na adik. Gayunman, hindi malinaw ang plano ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga batang ito, maliban sa isang seminar tungkol sa masamang epekto ng paggamit ng ilegal na droga. Hindi rin naman akma para sa lahat ng batang hindi naman lulong sa droga ang pagpasok sa kanila sa mga drug rehabilitation centers, lalo na’t para sa mga mas nakatatanda ang mga programa sa mga pasilidad na ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kabataang nakagamit o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, ang pagpapalawig sa tinatawag na community-based drug rehabilitation programs ang mas mainam na tutukan ng pamahalaan. Suportado ito ng kakabitiw pa lamang na chairperson ng Dangerous Drugs Board na si General Dionisio Santiago.

Sa mga programang ito, tiyak ang pagtutulungan ng mga tao sa pamayanan, ng mga NGOs, ng lokal na pamahalaan, pati na rin ng Simbahan. At dahil mas malapit ang mga institusyong ito sa mga batang nais tulungan, mas mabilis ang paghahatnid ng serbisyong pang-medikal at iba pang suporta. Kumpara sa mga rehabilitation centers na may bayad, mura at mas matipid para sa mga magulang ang mga community-based rehabilitation program. Hindi rin magiging problema ang tinatawag na “social reintegration” ng mga bata dahil gagawin ang programa sa mismo nilang pamayanan. Hindi lang kasi nakatuon ang pagbibigay ng tulong sa mga batang nalulong sa droga, ngunit may suporta ring ipagkakaloob sa mga magulang at mga miyembro ng komunidad upang matangggap ang tamang impormasyon at mga kasanayan para tulungan ang mga bata na makapagbagong-buhay.

Nag-usap ang simbahan at ilang mga ahensiya ng pamahalaan tungkol sa pagbubuo ng mga drug rehabilitation programs sa mga parokya. Pagpapakita ito ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga sektor upang lutasin ang problema ng ilegal na droga sa ating bansa. Malaki ang maitutulong ng simbahan at ng mga NGOs sa pamahalaan sa pagsasagawa ng mga epektibong drug prevention at drug rehabilitation programs sa mga pamayanan. Ngunit ang patuloy na hamon ay ang gawing angkop ang mga ito sa mga kabataan, lalo na’t iba ang antas ng kanilang kaalaman at pag-unawa sa paggamit ng droga o pagkakasangkot sa pagtutulak nito. Mahalaga ring tiyaking hindi magdudulot ng diskriminasyon ang mga programang ito, lalo na’t sensitibong isyu ang paggamit at pagtutulak ng droga.

Nakabatay ang suporta ng Simbahan sa mga community-based rehabilitation program para sa mga kabataan sa pagpapahalaga natin sa pagbubuo at pagpapatatag ng mga pamayanan. Ayon nga kay San Juan Pablo II, isang pamilya tayong lahat dito sa mundo at makatutulong sa pagpapabuti ng mundong ito ang pagbubuo ng komunidad na nagbibigay-kapangyarihan sa lahat upang makamit ang mga potensyal sa pamamagitan ng paggalang sa dignidad at karapatan ng tao at pagtupad sa ating mga tungkulin. Hindi ito posible kung nakikita natin sa mararahas na paraan ang pagbabagong nais natin para sa ating lipunan, para sa ating mga kabataan.

Sumainyo ang katotohanan.